Bukas ay nakatakdang magpunta sa Boracay ang mag-iina (si Pamela lang ang wala) para mag-bonding at magdiwang ng pahabol na Pasko at Bagong Taon, kasama ang iba pa nilang kapamilya.
Nung nakaraang taon ay nakapagbakasyon din sa bansa ang ina ni Piolo, Enero din nang dumating si Mommy Amy, pagkatapos ng bakasyon nilang mag-iina (Piolo, Patricia at Mommy Amy) sa Europa.
Nung manalo si Piolo bilang best supporting actor sa MMFFP para sa magaling niyang pagganap bilang si Jules sa pelikulang Dekada 70 ay si Mommy Amy agad ang kanyang tinawagan.
Sa lahat ng magagandang pangyayari sa kanyang buhay ay si Mommy Amy ang unang-unang nakakaalam, ito ang agad na tinatawagan ng aktor sa Amerika, ke gising o tulog pa ang kanyang ina.
May usapan kasi ang mag-ina noong magdesisyon si Piolo na bigyan ng pangalawang pagkakataon ang kanyang pag-aartista, yun ang pagkikita nila ni Joji Dingcong, ang nang-engganyo sa kanya na magbalik uli sa Pilipinas para bigyang-puwang ang kanyang pag-aartista.
Ang gusto ni Mommy Amelia ay ang mag-aral na lang si Piolo, isang taon na lang kasi at matatapos na niya ang kursong Physical Therapy, at maganda ang tsansa sa Amerika ng mga tapos ng ganung kurso.
Humingi nang dalawang taong palugit si Piolo, kapag walang nangyari sa kanyang showbiz career sa loob nang dalawang taon ay babalik na lang uli siya sa Amerika, at mag-aaral na lang siya.
Sinuwerte ang guwapong aktor, nagningning ang kanyang pangalan at maganda ang naging resulta ng tambalan nila ni Judy Ann Santos, hanggang sa ipanganak na rin ang The Hunks.
Naging mabunga ang career ni Piolo sa loob lang ng dalawang taong hiningi niya kay Mommy Amy, kaya ang palugit ay humaba na nang humaba.
At hindi naman kataka-takang premyuhan ng kapalaran si Piolo Pascual, dahil nang magpaulan ng disiplina sa trabaho ang langit ay gising na gising ang guwapong aktor, kaya pati ang bubong ng kanilang bahay ay nabaklas niya para makasalo.
Kahit antok na antok na siya at pagod na pagod ay wala kang maririnig na reklamo mula sa batang aktor, tahimik lang siya at hindi gaanong nakikipag-usap kapag kapos siya sa pahinga at tulog, pero hindi naaapektuhan ang produksyon sa personal niyang nararamdaman.
Nakakausap namin ang lahat ng direktor na humahawak kay Piolo sa pelikula at telebisyon at isa lang ang sinasabi ng mga ito tungkol sa batang aktor, "Masarap siyang idirek, dahil propesyonal siya at may talento."
Kapag pinagkumbinasyon ang kapasidad at propesyonalismo ay tagumpay lang ang magiging resulta, magkakambal ang dalawang katangiang yun, hindi maaaring paghiwalayin para makamtan natin ang tagumpay.
Hindi pa alam ng marami, pero relihiyosong tao si Piolo, hindi siya nakalilimot magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang tinatanggap niya.
Lagi siyang nagsisimba, lahat ng lugar para sa kanya ay puwedeng maging lugar ng pasasalamat, kaya patuloy ang pagbukal ng biyaya sa kanyang buhay.
Wala sa kanyang bokabularyo ang inggit, lahat ng tao ay anak ng Diyos para kay Piolo, kaya kapag may nagtatagumpay ay maligaya siya para sa kanyang kapwa.
"Nagtataka nga ako kung paano siya naging artista, mahiyain siya, hindi siya showbiz," madalas sabihin sa amin ni Mommy Amelia.