Mayor Malonzo dati nang nega, mas naging nega pa!

Mabuti naman at sa pagpasok ng Bagong Taon ay natuldukan na rin ang kontrobersiya sa pagitan ng pamunuan ng Metro Manila Film Festival Philippines at ng Star Cinema.

Hindi na gaanong kumakawag ang dila ngayon ng dating action star na pakara-karate at pasipa-sipa na nanggagaya kay Bruce Lee, sa sobrang pagdedepensa at paghuhugas-kamay tungkol sa mga kapalpakang naganap, ang dating nega nang personalidad ni Mayor Rey Malonzo ay mas naging nega pa.

Saan ka nga naman kasi makakakita ng isang pulitikong nag-ugat sa pag-aartista, pero nang magkaroon ng problema ay siya pang nanguna sa pagpupukol ng sisi sa mga kapwa artista, para lang mailihis ang pagbubunton ng sisi sa pamunuang siya ang tumatayong vice-chairman?

Kaya komento ng maraming taga-industriya, kung sa susunod na taon ay si Mayor Rey Malonzo pa rin ang nandiyan ay kailangang mag-isip na sila nang makalawa, bago sumali sa pestibal.

Kung babalikan ang mga pangyayari ay hindi maganda ang ipinakitang pagmamatigas ng punong-siyudad ng Kalookan tungkol sa hindi pagkakabanggit nang makalawa sa pangalan ng premyadong manunulat na si Lualhati Bautista sa mga nominado sa dalawang kategorya.

Ano ba namang bilang vice-chairman ng komite ay sinabi na lang niya na patututukan-paiimbestigahan na lang nila ang pagkakamali, kung ayaw man nilang matawag na anomalya ang naganap, at hindi ’yung nagsalita pa siya ng kung anu-ano na hindi maganda ang naging dating?

Nagmagandang-loob na nga ang mga presentors na sina Robert Arevalo at Lani Mercado, pero ang mga ito pa ang sasabihing nagkamali sa pagbasa ng mga pangalan ng nominado?

Kumuha sila ng sound system na pangit ang tunog, limampung milyong piso raw ang ibinigay ng gobyerno para sa ikagaganda ng pestibal, pero ni anino ng halagang ’yun ay hindi maririnig sa bangas na tunog ng ginamit nilang sound system.

Nu’ng wala nang maiturong may kasalanan si Mayor Rey Malonzo ay itinuro niya ang basag na tunog ng sound system, tiyak daw na nabanggit ang pangalan ni Lualhati, kaya nga lang daw ay hindi natin narinig-napansin dahil pangit nga ang tunog sa loob ng PICC.

Pinanghingi ng komite ng dispensa ang produksyong nagkamali raw sa paglilipat ng mga pangalan sa cue cards mula sa mahabang papel, pero ang sabi ni Mayor Malonzo, ang panghihingi ng paumanhin ay mula lang sa produksyon at hindi mula sa komite ng MMFFP.

Kasamang nagdiwang ng Bagong Taon ng guwapong aktor ang kanyang mga kapatid at kamag-anak sa kanilang bahay sa Pasig, si Mommy Amelia lang at si Pamela ang wala sa pamilya, pero darating ang ina ng aktor ngayong Enero 5 mula sa Amerika.

Kaarawan na ni Piolo sa January 12 at gusto sanang kahit paano’y magpa-party ng aktor para maisabay na rin ang selebrasyon para sa kanyang tagumpay sa MMFFP, pero mukhang malabong mangyari ‘yun.

Magbabakasyon ang pamilya sa Boracay hanggang January 9, pero sa pagbabalik ni Piolo ay may shooting at taping na naman siya hanggang sa mismo niyang kaarawan, kaya wala siyang panahong makapagdiwang.

Kunsabagay ay hindi naman sanay sa magarbong party si Piolo, sa halip na gumastos ay inihandog na lang niya ang tulong sa isang orphanage, sa ganu’ng paraan niya ibinabahagi ang mga biyayang tinatanggap niya sa buong taon.

At ginagawa ‘yun ni Piolo ng tahimik at walang mga nakatutok na kamera, naririnig na lang nating nagpapasalamat sa kanya ang organisasyon, hindi siya ang nag-iingay sa kanyang mga ginagawa.

Nu’ng nakaraang taon ay nakumpleto na ang pangarap ni Piolo, ang kahit paano’y mapansin at mabigyan ng rekognisyon ang kanyang kapasidad sa pagganap, kaya ngayong taong 2003 ay wala siyang kasing saya dahil sa katuparan ng matagal na niyang minimithi bilang aktor.

Show comments