Vindicated kuno si Ara Mina sa pagkakapanalo nito. Vindicated saan? Pinaingay lang ng Regal Films ang kanyang performance kaya tumatak sa isip ng ilan na pang-Best Actress ang performance niya. Ang nakakapagtaka, ilang araw bago ang awards night, pinaingay ng Regal ang pangalan niya for Best Actress. Mukhang siguradung-sigurado na silang makukuha nila ang majority awards. At nangyari na nga. Nakuha ng Regal movie ang majority ng awards. Kahit nga sa Best Actor award, nakakapagtaka na talunin ni Eddie Garcia sa Mano Po si Christopher de Leon sa Dekada 70.
At ang nakakabaliw pa, ilang oras bago ang awards night, may tumawag sa Star Cinema office na taga-MMFFP para sabihing in-elevate nila si Piolo Pascual para sa Best Actor category. Pero nung presentation na, balik ito sa Best Supporting Actor. Di ba, normally may deliberation na tinatawag? Ibig sabihin ilang oras bago ang awards night ay nagdi-deliberate pa sila? Ni hindi nila iprenesent kung sino ang board of judges. Kahit ang souvenir program kung saan naglalaman ng composition ng members ng bawat committee ay wala. Deliberate bang hindi pinamigay para hindi ma-pinpoint kung sino ang sisisihin sa mga kapalpakan?
Sa interbyu ni Mayor Rey Malonzo sa The Buzz, nagpaliwanag ito sa mga naganap na kapalpakan. Ipinipilit niya ang kanyang katwiran na nasusupalpal naman ng mas mabigat na ebidensya. Tulad na lamang sa hindi pagkasama ni Lualhati Bautista sa dalawang kategorya, ang Best Original Story at Screenplay. Aniya, nabanggit naman daw, baka hindi lang narinig dahil sa studio problems sa PICC. Isisi pa ba kay Lani Mercado ang kapalpakan eh ang husay nga nitong mag-present? Bakit ayaw tanggapin ni Mayor Rey Malonzo na lantaran ang kapalpakan sa MMFFP ngayong taon?
Ewan pero nakakawalang gana na yang MMFFP na yan. Taun-taon na lang may gulo, kontrobersya at higit sa lahat, umiiral ang kapangyarihan ng ilan.
Kaya kung kami sa ilang film production like Star Cinema at Imus Productions, mag-isip-isip sila ng maraming beses kung sasali pa sila next year. At kung sasali man sila, gumawa na lang sila ng ka-cheapang pelikula para matalo man sila, hindi masakit. At kung iisip man sila ng pang-entry next year, huwag na silang mag-strive for cinematic excellence and globally competitive movies dahil hindi sila kikilalanin at bibigyan ng parangal. Sayang lang ang efforts nila.
Magpatuloy pa rin sila sa paggawa ng pelikulang magaganda pero ipalabas na lang nila sa regular showing at huwag magpagamit dyan sa mga kung sinu-sinong malalaking tao sa industriya at pulitika.
Kay Direk Chito Roño, ipagpatuloy mo ang paninindigan mo. Wala ka ng kailangang patunayan bilang isang direktor dahil ginawa mo ang alam mong pinakamahusay mo, pero yung hindi ka kikilalanin, hindi mo na kasalanan yun. Salamat sa pagsasabuhay mo ng pelikulang Dekada 70.
At para kay Vilma Santos, mananatali pa rin siyang pinakamahusay na aktres para sa inyong lingkod at sa kanyang mga tagahanga. Binastos man siya ng MMFFP, marami pa rin ang naniniwala na siya pa rin ang rightful winner. Hindi ang MMFFP ang sisira sa legacy ng isang Vilma Santos. Sa awards derby next year, pupusta ako na aanihin niya ang prutas na hindi niya inani ngayon sa MMFFP.
Sa MMFFP, nakakalungkot na hinayaan ninyong dungisan ng ilan ang imahe ng taunang parangal na ito. Hindi ninyo dapat hinayaan na gamitin kayo ng mga gahaman. You are not indebted sa iilang makapangyarihan kundi sa sambayanang Pilipino.
Tiyak na may magri-react sa aking sinulat sa kolum na ito. Ito ang nararamdaman ko. Matindi ang epekto sa akin ng mga pangyayari at kung paanong tumimo sa aking puso at isipan ang Dekada 70, ang pelikulang nagpamulat sa akin kung gaano kasarap magkaroon ng isang pamilya at makipaglaban para sa iyong minamahal.
Kay Vilma, Boyet, Piolo, Direk Chito, Lualhati Bautista at sa Star Cinema, maraming salamat sa Dekada 70. Mabuhay ang tunay na pelikulang Pilipino!