At positibo naman ang resulta ng kakayahan niyang pamahalaan ang kanyang pinagpapaguran, dahil unti-unti ay nakapagpupundar na siya at nakapagnenegosyo.
Halos lahat ng gamit na personal ay meron na siya, kaya hindi na buhos ang ginagawa niyang pamimili ngayon, kung ano na lang ang kailangan ang ginagastusan niya.
May katwirang mag-ipon nang mag-ipon si Piolo dahil gusto niyang makabili ng sariling bahay, may sariling bahay na kasi sa Amerika (Monterey) ang pamilya niya, kaya ang bahay naman dito ang gusto niyang matupad na mabili.
Pumasok na rin siya sa pagnenegosyo ngayong kapareha ang kaibigan ng kanyang pamilya, si Edgar Mangahas, na kaibigan din namin.
Sa Bagong Taon ay magso-soft opening na ang Mocha Blend, ang coffee shop na pinagsosyohan nila ni Tito Edgar kasama ang ilang Australian businessmen. Sa Tomas Morato na sentro ng aksyon sa Kyusi matatagpuan ang Mocha Blend.
Brand ng kape ang pangalan ng coffee shop na sinosyohan ni Piolo, si Tito Edgar at ang ilang tauhan nila ang mamamahala sa pagpapatakbo nito, dahil napakahigpit ng iskedyul ng guwapong aktor.
Iba na nga naman yun nag-aartista na siya ay may negosyo pa siyang kumikita, lalo na siyang magsisipag kapag ganung meron siyang pinaglalaanan ng kanyang pinaghihirapan.
1996 pa ay kaibigan na ng pamilya ni Piolo si Tito Edgar, ito ang tumayo niyang manager nung una, pero hindi rin naman yun nagtagal dahil wala sa pagma-manage ng mga artista ang linya nito kundi sa pagnenegosyo.
May promotions agency si Tito Edgar para sa mga kababayan nating gustong magtrabaho sa Japan, may dalawang club pa siyang kabubukas lang ngayon sa Shinjuko (Musicale) at sa Kinscho (Mr.).
Marami nang negosyong inilalapit noon kay Piolo, pero hindi siya pumapasok, ang kailangan nga naman kasi sa ganung linya ay personal na pag-aasikaso.
Oo ngat malaki rin ang naitutulong sa kanya ng mga pelikulang pangkilig ng mga tagahanga, paminsan-minsan ay kailangang nakagagawa rin ng pelikulang panlaban ang artista, tulad ng Dekada 70 na nagsilbing pinakahuli niyang pelikula para sa taong ito.
Angat ang pagganap ni Piolo sa naturang proyekto ng Star Cinema, marami ang nagsasabing kung susuwertihin ay makukuha niya ang best supporting actor trophy, sa MMFF dahil talagang lutang ang karakter na ginampanan niya sa istorya.
Sinusulat namin ang kolum na ito ay gaganapin pa lang ang MMFFP awards night, ayaw umasa ni Piolo na mananalo siya, pero hindi maikakaila na kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto rin sana niyang kilalanin ang kanyang kakayahan sa pagganap.
"Nakakatakot po, pero yun na lang talaga ang kulang sa career ko ngayon," simpleng sabi ng guwapong binata.
Pero hindi man siya palarin ay malaki nang bentahe para kay Piolo ang mapasama sa isang pelikulang tulad ng Dekada 70 na maaari niyang maipagmalaki hanggang sa kanyang pagtanda.
"Yun lang po, eh, trophy na for me. Hindi naman sa lahat ng panahon, eh, makakatrabaho mo ang mga tulad nina Mayor Vilma (Santos) at Christopher (de Leon), malaking honor na po para sa akin yun," sinsero pang sabi ni Piolo.