Kulang na lang sabihin ng mga namamahala sa promosyon ng Star Cinema na bakit ganun, kung sino pa ang artistang pwede nang magpaimportante dahil may napatunayan na, ay siya pang madaling kausapin?
Basta kasi pwede ang Star for all Seasons ay wala siyang kuskos-balungos sa iskedyul, talagang gumagawa siya ng paraan na isingit ang kanyang promo para sa Dekada 70, at ang mga artistang kasing propesyonal ni Mayor Vilma ay maituturing na kayamanan na ng industriya.
Nung gawin niya ang Bata...Bata... at Anak ay walang anumang problemang ibinigay sa Star Cinema si Ate Vi, dito naman sa Dekada 70 ay lalong wala, dahil alam ng aktres-pulitiko na ang paggawa ng pelikula ay hindi nagsisimula at natatapos lang sa prinsipal na potograpiya.
Mahalaga ang promosyon, 50% ng ikapagtatagumpay ng isang proyekto ay nasa pagbebenta, kaya binibigyan talaga ng prayoridad ni Mayor Vilma ang pagpo-promote ng kanyang mga pelikula.
Ang maghapon ng aktres-pulitiko ay napakahigpit, sa pakikinig pa nga lang sa kanyang mga kwento ay nakapapagod na ang kanyang aktibidad sa maghapon, paano nga ba niya pinagkakasya-binabahaginan ng oras ang kanyang propesyon at pamilya?
"Workaholic talaga ako, siguro naman, walang makapagsasabing tamad akong mayor dahil hanggang alas-nuwebe ng gabi, nasa opisina ako.
"Hindi talaga ako umuuwi hanggang hindi pa tapos ang trabaho ko, pero pagkatapos kong gawin ang lahat, nakikiusap din naman ako sa mga tauhan ko na kung pwede, bigyan din nila ako ng pribadong panahon para sa pamilya ko.
"Like nung one time, nakapag-Tagaytay kami ng pamilya, pati si Ralph, naglaan ng oras para sa pamilya namin, ang sarap-sarap ng ganun paminsan-minsan," kwento pa ni Ate Vi.
Okey lang ako sa isang pelikula kada taon, yun pa lang talaga ang kaya ko sa ngayon, dahil marami pa akong gustong mangyari sa Lipa.
"Kung papalarin pa ako sa susunod at naiayos ko na ang lahat ng prayoridad, dun pa lang siguro ako makakatanggap ng dalawang movies a year," sabi niya.
Nung parada ng mga pelikulang lahok sa MMFFP ay minsan pa naming nakita ang lakas ng magneto sa publiko ni Ate Vi, talagang wala pa ring kupas ang kanyang kasikatan, nandun pa rin ang kilig ng publiko sa kanya na nahaluan pa nga ng respeto.
"Alam mo naman na ito talaga ang mundo ko, ang makisalamuha sa tao, dahil sa ganito na namulat ang mga mata ko.
"Gustung-gusto ko ang ganito, yung nakalalapit ako sa kanila, mahal na mahal ko talaga ang pelikula," kitang-kita namin ang kaligayahan sa mga mata ng aktres, kahit pa basang-basa na siya dahil sa biglang pagbuhos ng ulan.
Sinusulat namin ang kolum na ito ay hindi pa ginaganap ang gabi ng parangal ng MMFF, pero marami na ang humuhula na iuuwi niya ang tropeo bilang pinakamahusay na aktres ng pestibal.
Ang galing-galing kasi niya sa Dekada 70, kakaiba ang papel niya sa pelikula bilang asawang sunud-sunuran lang sa kanyang mister, pero biglang namulat nung bandang huli.
Pang-Vilma Santos talaga ang papel ni Amanda Bartolome, ang api-apihang misis sa nobela ni Lualhati Bautista.