Dalaga na ang nagbabalik na si Charina Scott

Matagal siyang nawala sa local scene. Bagaman at marami ang naka-miss sa kanya, ang mabilis na pagpasok ng mga kabataang artista ang pangunahing dahilan kung kaya madali siyang napawi sa isipan ng marami.

Pero, muli, nagbabalik si Charina Scott, ang cute na bata na gumanap na naging matchmaker nila ni Richard Gomez sa Kapantay ay Langit. Ito rin ang anak na nakasama niyang pinatay sa The Lillian Velez Story. Nanalo siya ng Best Child Actress sa Manila Filmfest sa Huwag Mong Isuko Ang Laban na pinagbidahan ni Ronnie Ricketts. Huling pelikula niya ang Higit Pa Sa Buhay Ko na kung saan ay naging anak siya nina Christopher de Leon at Maricel Laxa. Seven years old siya noon.

Pitong taon na nawala si Charina. Namirmihan siya sa US kasama ang ama na may magandang trabaho roon, at ang kanyang ina. Doon, nagkaroon siya ang pagkakataon na ma-practice ang kanyang acting. Gumawa siya ng pelikula sa mga independent films tulad ng Bella Rose. Naging guest din siya sa Walker Texas Ranger topbilled by Chuck Norris. Maaaring napalabas na yung episode niya rito sa Cable Channel, hindi nga lamang natin napansin dahil hindi tayo aware na dalaga na pala siya, isang magandang dalaga.

Namatay ang kanyang ama kung kaya naisipan nila ng kanyang ina na bumalik ng Pilipinas nung buwan ng Agosto. Sa gulang na 14, pumirma siya uli ng kontrata sa Viva Films na maraming magagandang plano para sa kanya.

Isa sa mga proyekto na ibinigay ng Viva sa kanya ang pelikula na muling pagtatambalan nina Sharon Cuneta at Richard Gomez kasama sina Paolo Bediones at Miriam Quiambao. Gagampanan niyang muli ang role ng anak ni Sharon. Third time na niyang maging screen daughter ng Megastar.

Isang kapuri-puri kay Charina ay ang pagiging matatas niya sa Tagalog. Pitong taon siya sa US pero, hindi niya nakalimutan ang lengwahe ng kanyang ina.

At the time ng story conference ng Sharon–Richard movie, wala pang bagong photo si Charina. Pero, madali n’yo siyang makikilala. Kapag nakakita kayo ng isang kamukha ni Angelu de Leon pero, hindi pala si Angelu, si Charina Scott yun.
*****
Malakas daw ang magiging laban ng Mano Po ng Regal Entertainment sa awards night ng MMFFP. Ayon sa mga nakapanood ng SRO na preview nito na ginanap sa Megamall, strong contender daw ito para sa Best Picture. Ang pinaka-sorpresa ay ang biglang pagpasok ni Ara Mina sa mga contender bilang Best Actress. Sa malas ay tinalo ng performance ng sexy actress ang mga performances ng mga batikan sa pag-arte sa pelikula. Nakakagulat ito dahil hindi inaasahan ng marami na ngayon na ang simula ng pag-unlad ng pag-arte ni Ara Mina. At kung nun ay iniitsa pwera ang kanyang performance, ngayon ay inaabangan na siya ng marami dahilan sa baka may ipapakita na naman siyang bago sa kanyang pagganap.

"Hindi ko alam dahil dati ko na namang pinagbubuti ang pag-arte ko. Pero, sa TV pa lamang, when I portrayed Didith Reyes, marami nang nagsabi na magaling na ako. Ayaw kong maniwala. Sana nga," ang sabi ni Ara na abala sa promosyon ng Mano Po.
*****
Nakikiramay ako sa pagpanaw ni Boy Pineda, isang aktor at assistant director ni William Mayo sa pelikulang Lapu Lapu.

Namatay si Boy nung Linggo ng gabi sa isang ospital sa Cebu na kung saan siya ay dinala matapos na siya’y magkaroon ng atake sa puso. Naroroon siya para pamahalaan ang mga aktibidades ng Lapu Lapu, mula sa Parada ng mga Artista hanggang sa mga appreciation dinners na ibinibigay para sa lahat ng mga kalahok na pelikula at ng mga artistang kasama rito. Wala si Direk William. Naiwan dito sa Maynila para tapusin ang postprod ng pelikula. Marahil. dahilan sa sobrang pagod sa pag-aasikaso kung kaya inatake si Boy.

Lungkot na lungkot ang mga kasama niya sa produksyon sapagkat isang buhay ang nabuwis dahilan sa pelikula. Mahal pa naman nila ang nasawi sapagkat mabait ito at sobrang matulungin. Nung kapusin ang produksyon ng pera ay isinangla nito ang kanyang Pajero para makatulong sa pinansyal na problema ng pelikula. Marami ang naluha sa kanyang kamatayan.

Show comments