Nag-bold dahil nag-rebelde sa boyfriend!

Maraming bold stars ang napunta sa ganitong uri ng pelikula dahilan sa pangangailangan. Kundi breadwinner ng pamilya ay dating GRO na gustong magbagong buhay.

Iba naman ang rason ng dating pa-tweetums na si Katya Santos kaya siya ngayon ay sumasabak na sa maseselang eksena, gaya ng paghuhubad at pakikipag-lovescene. Nag-split sila ng boyfriend niya of 4 years dahilan sa pakikipag-barkada nito. At bilang pagre-rebelde, nagpasya siyang mag-bold. Hindi naman tumutol ang kanyang mga magulang na may sariling negosyo at kaya siyang buhayin kahit hindi siya mag-trabaho dahilan sa nasa edad na naman siya. Isa pang dahilan ay matagal-tagal na ring artista si Katya pero, hindi pa nagmamarka sa isipan ng manonood ang kanyang mukha at pangalan. Baka nga naman sa pagpayag nitong mag-iba ng image ay makilala na siya at sumikat.

Si Katya ay ilulunsad ng Viva Films sa pelikulang Sukdulan. Bago ito, tatlong bold movies ang tinanggihan niya (Tatarin, Balahibong Pusa, Scorpio Nights 3). Di pa raw siya handa. Sa Sukdulan, siya si Elaine, isang young married woman na clerk sa isang toll booth. Nasisikil siya sa kinalalagyan niya. Feeling niya nakakulong siya, hanggang dumating ang isang lalaki na magpapalaya sa kanya. Ito ang building contractor na ginagampanan ni Carlo Maceda, winner ng Mossimo Bikini Summit 2002. Runner-up nito si Jordan Herrera. Ito ang nagpakilala sa kanya sa isang nakatutukso pero, malayang mundo. Sa bawat sexual encounter nila, naging mas daring siya, tinatapatan ang katakawan ng lalaki sa sex.

Si Raymond Bagatsing ang gumaganap ng role ng asawa ni Katya.
*****
Nagiging paboritong eksena sa mga lokal na pelikula ngayon ang Elephant World na matatagpuan sa Araneta Center.

May mga eksenang kinunan dito ang Home Alone D Riber at maging ang Spirit Warriors 2 The Shortcut. At bilang bahagi ng promosyon ng pelikula ng Regal Films na nagtatampok sa pamosong dancers na Streetboys, nagkaroon ng isang Parade of Stars na nagtampok sa limang myembro ng Streetboys –Spencer Reyes, Danilo Barrios, Jhong Hilario, Vhong Navarro at Cris Cruz–at mga nilalang na nakasama sa pelikula nung Linggo ng hapon. Lumibot ang grupo sa Araneta Center sakay ng mga tiburin. Naging dulo ng parada ang Elephant World na kung saan ay naging bahagi ng pagtatanghal ang Streetboys.

Nakatutuwa pala ang Elephant show. Nag-enjoy ang dalawang taong gulang kong apo na si MacMac. Ni hindi ito natakot na pakainin ng saging ang isang elepante na inilalapit sa lahat ng bumibili ng saging sa halagang P5.00.

Matalino ang mga elepante ng Elephant World –bukod sa nagsasayaw at kumakanta ang mga ito, nagpipinta rin sila. Nakikipag-interact sa audience. Di ka matatakot na baka mag-stampede sila. Kontrolado sila ng mga humahawak sa kanila. After an entertaining show, may elephant ride na nagkakahalaga ng P50 bawat isa. Hindi na mahal kung iisipin mo na napakalalaki nila at mahal mag-maintain sa kanila. Enjoy lahat ng manonood dito. May mga murang souvenirs, toys and food sa paligid ng Elephant World. May function room din ito na ginamit ng Regal Films para sa kanilang presscon and Christmas party.
*****
Isang party naman na fit for a Megastar ang inihahanda ng ABS-CBN para sa bawat Linggo ng Enero 2003 dahil sa pagdiriwang ng Sharon ng nakakalulang career at buhay ni Sharon Cuneta. Selebrasyon ito ng ika-37th birthday ng Megastar at 25 taon na siyang artista.

Sa Enero 5 at 12, magsasama ang pamilya, kaibigan at mga suporter ni Mega para sa naiibang tribute sa colorful at eventful life ni Sharon. Iispupin si Sharon ng mga taong close sa kanya- mga pamilya, kaibigan in and out of showbiz, kasama sa trabaho, leading men, directors, mga kaibigan sa mundo ng pulitika, mga tao sa likod ng kanyang matagumpay na career, favorite producers, writers, designers.

Sa Enero 19 at 26 ay mga live musical ang matutunghayan sa Sharon. Tampok dito ang isang all-OPM line up, mga 25 top performers ng bansa. Mga artista from the 70’s, kung kailan nagsimula si Sharon bilang recording artist hanggang sa present recording scene.

Sa Part 2 ng musical special, 25 artists of world caliber ang maghaharana kay Sharon bilang pagbubunyi sa kanyang world class talent.

Mapapanood ang lahat ng ito sa Sharon bawat Linggo, 5:30 n.h., sa ABS-CBN lamang.

Show comments