Mensahe yun sa text sa amin ni Piolo Pascual habang sabay naming pinanonood ang isang eksena sa Dekada 70 kung saan ipinakita siyang hubot hubad na nakahiga sa bloke ng yelo at kinukuryente sa katre bilang bahagi ng torture scene.
Kapirasong plaster lang kasi na itinapal sa tapat ng kanyang ari ang tanging suot ni Piolo sa eksenang yun, pero hubot hubad man ay inalagaan ni Direk Chito Roño ang kanyang anggulo at hindi na ang batang katawan ng aktor ang mas pahahalagahan mo dun kundi ang kanyang pagganap.
Maraming dapat ipagpasalamat si Piolo sa pagtatapos ng taong 2002. Naging mabunga ang kanyang career sa taong ito, pero hindi niya dapat kaligtaang pasalamatan ang pagdating ng proyektong Dekada 70 sa kanyang buhay.
Sa pamamagitan ng obrang ito ay maihihiwalay na si Piolo sa hanay ng mga kabataang aktor na kaguwapuhan at porma lang ang puhunan sa pagsikat, maaari na siyang ibilang ngayon sa mga pangalang tinitingala ang bituin dahil sa pagganap.
Pelikula nina Mayor Vilma Santos, Christopher de Leon at Piolo Pascual ang Dekada 70. Sa kanilang tatlo nakapokus at iikot ang kwento sa nobela ng Reyna ng Literatura na si Lualhati Bautista, na kinumpleto naman ng iba pang mga karakter sa istorya.
Totoo ang takbo ng kwento, paborito ngang anak ni Amanda Bartolome (Vilma) si Jules (Piolo), dahil ang anak na ito ang nagbibigay ng mas maraming kaligayahan sa kanyang ina.
Ang dami-daming eksena sa Dekada 70 na nagpalutang sa pagkaaktor ni Piolo, mga eksenang kumplikado at simple lang ang eksekusyon, pero sumusuntok sa dibdib.
May mga eksena siyang kasama ang Star for all Seasons nang walang dayalogo, mga mata lang ang pinagagalaw nila, pero nanunuot sa kalamnan ang mensaheng itinatawid nila sa isat isa.
Bandikado si Direk Chito Roño sa minsang sinabi nito sa amin, "Malakas ang laban ni Piolo sa pagka-best supporting actor sa festival sa Dekada 70, magaling siya."
Maligaya si Piolo sa pag-aalagang ibinigay sa kanya ni Direk Chito at ng Star Cinema, ng kanyang mga kasamahang artistang umalalay sa kanyang kapasidad, sobra-sobrang saya para sa batang aktor ang makagawa ng isang obrang tulad nito.
Pampamilya ang pelikulang ito na sinahugan ng pulitika na mahalagang bahagi ng istorya, pagkatapos mong panoorin ang pelikula ay maiisip mo ang kahalagahan ng opinyon ng bawat miyembro ng pamilya, tatak din sa isip mo na bilang magulang ay wala kang magagawa sa landas na gustong tahakin ng iyong anak.
Kwento ito ng isang nanay na maghapon at magdamag na nakatutok ang oras sa kanyang limang anak na lalaki na may limang ibat iba ring ugali.
Kwento ito ng isang amang kailangang batas ang bawat sabihin sa kanyang mag-iina dahil sa katwirang "Its a mans world," pero nung bandang huli ay nagising din sa katotohanan na ang buhay pala ng sinuman ay hindi hawak ng kahit sino.