Sa kagustuhang makaagapay sa kalabang Eat Bulaga na kumbaga sa kabayong pangarera ay nang-iiwan sa kanila ng milya-milya ay nagbagong-bihis ang MTB.
Paiba-ibang hosts na ang mapapanood araw-araw, idagdag pa ang paiba-iba ring kontratadong artista ng Dos na isinasama nila sa kani-kanyang araw, pero mukhang hindi pa rin nagmimilagro ang rating ng noontime show.
Paminsan-minsan ay nakakadikit ang MTB sa Eat Bulaga, pero mas madalas ay napag-iiwanan ang manok ng Dos, at malayo ang agwat ng pagkukumpara.
Nagmistula ng Big, Big Show noon ng BBC-2 ang MTB, ang pagkukumpara naman ng iba ay sa Thats Entertainment na iba-ibang youngstars ang tampok sa araw-araw, at kapag Sabado lang sila nagkakasama-sama.
Dahil ayaw ngang kagatin ng manonood ang show ay nagmimiting na ngayon ang pamunuan ng Dos kung ano ang kanilang gagawin para hindi naman sila napag-iiwanan sa labanan.
Gumagana na ang utak ngayon ng mga namamahala sa show, kung anu-anong gimik na pampalakas ng kaway sa tao ang kanilang iniimbento, nagpapamigay na rin ng milyun-milyon ang programa para lang lumakas sa tao.
Pero wala pa rin, ang Eat Bulaga pa rin ang panalo sa rating, ang sinusubaybayan tuwing tanghali, at hindi makapapayag ang Dos na palagi na lang ganun ang resulta ng kanilang banggaan.
Balitang ibabalik na sa oras na kanyang pinag-ugatan si Willie Revillame dahil orihinal siyang host ng nooy humahataw pang MTB, aminado lang ang komedyante na nakalimot siya at sinamantala naman yun ng mga taong galit sa kanya, kaya tuluyan siyang nawala sa programa.
Sa pagpasok ng taon ay balitang isa na si Willie sa magiging host ng bagong noontime show na bubuuin ng Dos, isasama sa kanya ang magaling na singer na si Janno Gibbs, na balitang nakikipag-usap na ngayon sa Dos para lisanin ang Siyete.
Panalo ang ideya kung si Willie ang isa sa magiging poste ng show, pero nakakaalarma kung paano nila patatakbuhin ni Janno ang programa nang wala sina John Estrada at Randy Santiago.
Malakas kasi ang puwersa ng Willie-John-Randy, ang lakas ng grupo ay napatunayan na noon ng tatlo, nang padapain nila nang mahaba-haba ring panahon ang Eat Bulaga.
Pero malay naman natin, baka dahil kakaibang putahe ang tambalang Willie-Janno ay kagatin din yun ng publiko, walang masama kung susubukin nila ang ideyang yun.
Sa napipintong pagkawala sa ere ng MTB, kung totoo ngang kumpirmado na ang plano ng Dos, ay saan naman kaya uli ikakalat ng istasyon ang mga hosts ngayon ng MTB?
Ang dami-daming mawawala, maraming maaalis kaysa sa maiiwanan, kaya panibagong rigodon na naman ang mangyayari.