Hindi makagaganda sa imahe ng Dos ang ganun, magmimistula silang pulitikong benggador, kapag ganun ang pinairal nila.
Mahigit na isang dekada ang itinakbo ng kanilang pinagsamahan at sa loob ng mahabang panahong yun, minsan man ay hindi lumipat sa ibang bakuran si Jolens.
Kung may medalya nga ng katapatan na ipamamahagi ang Dos, nasa kabilang bakuran man ngayon ang dalaga ay hindi nila ito dapat kalimutang bigyan, dahil nagpakita ng katapatan sa kompanya si Jolens sa mahabang panahon.
Nagkapakinabangan din naman sila, kumita nang malaki ang Dos sa mga pelikula, programa sa telebisyon at plaka ni Jolina, kung paanong lumaki naman nang lumaki ang pangalan ng dalaga, dahil sa suporta at pangangalaga ng ABS-CBN.
Walang maaaring kumopo ng kredito sa kanila, nagkatulungan ang magkabilang panig, at naging positibo ang resulta ng kanilang kumbinasyon.
May pelikulang katatapos lang gawin si Jolina na si Tito Dolphy ang kanyang kasama, ang Home Alone D Riber na ang nagdirek ay ang kaibigan naming si Eric Quizon.
Bilang bahagi ng promosyon ng pelikula ay pinagsasama sa mga sitcom ang mga artistang magkasama-magkatambal sa proyekto, para lalong maalala ng publiko ang kanilang pelikula.
Pero noong una ay halatang may mga humaharang sa pagtungtong uli ni Jolens sa Dos, hindi naman kami ipinanganak kahapon para hindi makahalata na ang mga katwirang iniaayos pa ang iskrip at inihahanap pa ng tiyempo ang guesting ni Jolina, ay kasing kahulugan ng "justice delayed, justice denied".
Totoong naging masakit sa Dos ang pag-alis ni Jolina sa kompanya, hindi lang magiging masakit yun kung walang nangyari sa pag-alis ni Jolina, lulutang kasi dun ang kahalagahan ng Dos at ng kasabihang kapag umalis ka sa nasabing kompanya ay para kang nagtampo sa grasya.
Pero mali ang paghusga ng iba na kapag lumabas sa Dos ang dalaga ay babagsak na siya, naging bala pa nga ngayon ng Siyete si Jolina sa pag-asinta sa kalabang ABS-CBN.
At sa pangyayaring yun naman lumutang ang ating kapaniwalaan na kailanman at saan man ay hindi natin maibabagsak ang isang taong punumpuno ng talento.
Natural lang namang ipaglaban ng Hari ng Komedya si Jolina, dahil ang Home Alone D Riber ay pelikula ng RVQ Productions, ang kompanya ni Tito Dolphy.
Nitong mga nakaraang linggo kasi ay pinagmukhang kawawa ng Dos si Jolina sa mga panayam na inilabas ng istasyon sa mga artista ng pelikula.
Nagmukhang extra lang si Jolina, pang-background lang, samantalang sila ni Tito Dolphy ang bida sa pelikula.
Hindi naman parehas ang ganung laban, porke ba wala na silang magiging pakinabang dun sa tao ay gagawin na lang nilang basahan?
Porke ba ang Siyete na ang nangangalaga ngayon sa karir ni Jolina ay tabla-tabla na lang ang labanan?
Sa ganung kaganapan ay ang Dos ang talo, lalong makukuha ni Jolina ang simpatya ng publiko, at isang malakas na hangin na naman yun na mas magtutulak pa sa kasikatan ni Jolina paitaas.