Sa Disyembre 10 na ang kasal nina Isabel Granada at Geryk Genasky at sa Disyembre 14 naman ang kasal nina Cong. Jules Ledesma at Assunta de Rossi, pero hanggang ngayoy wala pang katiyakan kung dadalo ang kanilang mga kapamilya sa isang makasaysayan pa namang pangyayari sa kanilang buong buhay.
Personal nang dumalaw si Assunta kay Mommy Nette para imbitahan sa kanilang kasal ni Cong. Jules, pero naging matigas ang paninindigan ng ina ng aktres.
Gusto man nitong masaksihan ang kaganapan ay tumututol ang kalooban nito, dahil ang lalaking pakakasalan ng aktres ay nakapag-iwan nang matinding sama ng loob kay Mommy Nette.
Wala nang mas liligaya pa kaysa sa babaeng habang nakikipagtaling-puso ay binebendisyunan naman ng kanyang mga magulang, dahil kasabihan na nga nating mga Pinoy na ang pagpapakasal nang masukal sa kalooban ng ating mga magulang ay walang kinauuwian.
Napakahalaga ng bendisyon ng magkabilang panig sa pagpapakasal, yun ang itinuturing na ilaw na gagabay sa kanilang pagsasama, ang liwanag na magbibigay ng direksyon sa kanilang pagmamahalan.
Pero mukhang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ni Assunta ang bendisyon ni Mommy Nette, ni ang pagdalo ni Alessandra ay ginagawa pang pahulaan ngayon, kaya magandang-maganda man si Assunta sa araw ng kanilang kasal ni Jules ay hungkag pa rin ang kanyang puso.
Nakalulungkot naman.
Mula nang magdesisyong umalis ang dalaga sa kanilang bahay, ni ha ni ho, ay walang naging pakikipag-usap si Isabel sa kanyang ina.
Kung minsan nga ay maiisip mo na lang kung bakit ganun, kung sino pa ang mga artistang nung unay inakala nating masunurin sa kanilang mga magulang ang nagkakaroon ng ganito katinding problema.
Kahit saan kasi nandun si Isabel ay parang anino na niya si Mommy Guapa, pagkatapos ngayon ay sila pang mag-ina mismo ang may matinding hidwaan?
Dalawang bagay lang yun, talagang tinamaan nang husto ang dalaga kay Geryk, o kung hindi man ganun katindi ang pagmamahal ni Issa sa binata, ay ginawa na lang niyang dahilan ang sitwasyon dahil sa matinding paghihigpit ng ina sa kanyang anak.
Matagal na kasing napapabalita na si Mommy Guapa na ang nagpapaikot sa buong buhay ni Isabel, parang robot na lang na sunud-sunuran ang dalaga sa kanyang ina, kaya nang magbukas ang hawla ay lumipad-umalis si Isabel bilang pagtakas sa sitwasyon.
Ganun ang karaniwang nangyayari sa mga anak na masyadong hinahawakan sa leeg ng magulang, anumang sobra ay bawal, kaya habang hinahawakan nang mahigpit ang anak ay saka naman nagpupumiglas.
Matindi ang sama ng loob ni Mommy Guapa kay Geryk, pakiramdam ng ina ni Isabel ay ito ang lumason nang husto sa dalaga para iwanan ang kanyang ina.
May nakuhang card-sulat si Mommy Guapa sa kuwarto ni Isabel, ang card na yun ay naglalaman ng parang panunulsol ni Geryk kay Isabel na umalis na sa poder nito, dahil ginagawa lang makinang tagapagtrabaho ni Mommy Guapa ang mestisang dalaga.
Lalong hindi malimut-limutan ng Espanyolang ina ni Isabel ang itinawag dito ni Geryk na "masamang force", ano raw ba ang akala ni Geryk sa kanya, isang demonyo?
Kung si Mommy Guapa ang maglalarawan sa binata ay ito ang masamang puwersang bumulong nang bumulong kay Isabel para lumayo sa kanya.
Si Geryk ang nagbubulong ng masamang payo sa kaliwang tenga ni Isabel, samantalang siya naman ang nasa kanan, pero tinalo ni Geryk ang kanyang puwersa.
Parehong galit na galit sa kanilang mga mamanugangin sina Mommy Nette at Mommy Guapa, magkaiba lang ng dahilan ang kanilang galit, na ang nagdadala ay ang kanilang mga anak.