Bagong pakulo ng Boomland

Tiyak na bawat isa ay may matatagpuang bago at kakaiba sa Boomland, ang pangunahing destinasyon para sa libangan at katuwaan sa Metro Manila, katulad ng mga imported rides at attractions sa pagbubukas nito para sa panahon ng Kapaskuhan ngayong Sabado, Nobyembre 30.

Ayon kay Haydee M. Kwan, director/manager ng Boomland, pinakapatok sa bago nilang handog sa publiko ang Kart Trak, isang 6,000 metro kuwadradong karerahan para sa mga karters maging propesyunal man o amateur, at maging para sa mga gustong matutong mag-karting.

At katulad ng pinalitan nitong Boom na Boom carnival, mayroon ding horror houses ang Boomland katulad ng Lost Temple at Villa Muerta na tiyak magbibigay ng kilabot at sigawan dahil sa takot sa nasabing amusement park.

Meron ding lugar sa Boomland na tinatawag na Galing Pinoy kung saan gaganapin ang mga tradisyunal na palarong Pilipino katulad ng palosebo, agawan-buko at iba pang mga sinaunang laro.

Isa pang inaasahang dudumugin ang Market Square, ang nag-iisang outdoor tiangge sa Metro Manila na tila nasa isang hardin, kung saan makakabili ng iba-ibang panregalo sa Pasko at kagamitang personal at pambahay sa murang halaga.

Kabilang sa mga bagong rides ng Boomland ang Viking, Pony Rodeo, Flying Fiesta at Mad Mouse, samantalang hindi naman patatalo ang mga paboritong Boomerang, Cable Car, Bump Cars, Bump Boats, Crazy Carpet at iba pa.

Isang bagong lugar kainan, ang Comida Rotunda, ang magbibigay naman ng pagkakataon sa mga bisita ng Boomland na magmeryenda o maghapunan ng kanilang paboritong lutong Pilipino at Chinese, gayundin ng mga pagkain mula sa sikat na fastfood restaurants.

Mayroon ding Ride-all-you-Can promo ang Boomland hanggang December 20, kung saan halagang P150 ay paulit-ulit nang masasakyan ang paboritong mga rides. Ang regular na bayad namang P50 ay may kasama nang isang libreng ride. Para sa detalye, tumawag sa Philippine Exhibits and Themeparks Corp. sa 832-5422 o 832-5401.

Show comments