^

PSN Showbiz

'Parang ako ang namatayan' – Manny Valera

RATED A - Aster Amoyo -
Hindi namin personal na kakilala at kaibigan si Atty. Gil Valera, ang Customs Deputy Commissioner at nakatatandang kapatid ng talent manager na si Manny Valera pero isa naming malapit na kaibigan si Manny.

Ang hipag at pamangkin ni Manny na sina Arlene at Marlowe ay buhay na natusta sa isang freak accident ng pagkasunog ng kanilang two-storey house sa may Ayala Heights in Quezon City dahil lamang sa Christmas lights nung gabi ng Huwebes, November 21.

Hindi ko agad nabasa ang text message na ipinadala sa amin ni Manny tungkol sa pagkasunog ng kanyang hipag at pamangkin nung Huwebes ng gabi. Biyernes ng umaga ko na nabasa ang message at agad kong tinawagan si Manny pero hindi kami nagkausap.

Maga-alas-onse na ng gabi nang kami’y magtungo ng Funeraria Nacional. Apaw ang tao at loob at labas ganundin ang mga naggagandahang bulaklak. Walang patid ang dating ng mga tao kaya nagkasya na lamang kami sa may hagdanan kasama si Manny at ang bestfriend niyang doctor na lumipad galing Amerika nang malaman ang trahedyang nangyari sa kanyang hipag at pamangkin.

Although siyam na magkakapatid sina Manny, aminado ito na super close siya sa kanyang kapatid na si Gil.

Nasa Nueva Ecija si Manny sa last shooting day ng Mano Po dahil siya ang supervising producer nang makatanggap ng tawag sa kanyang kapatid na si Gil at ibinalita ang pagkasunog ng kanilang bahay at pati na ang kanyang mag-ina. Agad siyang nagpaalam para makabalik ng Maynila. Mistula nang abo ang kabuuan ng bahay nang dumating si Manny. Walang naisalbang gamit ni isa at ang pinakamasakit sa lahat, na-trap sa sunog ang mag-ina at nakaligtas si Gil at tatlo pa nitong anak.

Ligtas na sana ang kanyang misis na si Arlene kung hindi pa nito binalikan ang isa nilang anak na si Marlowe na natutulog sa kuwarto nito. Walang malusutan ang mag-ina dahil sa napakabilis na pagkalat ng apoy. Dinig na dinig ni Gil at ng tatlo pa niyang mga anak at ng kanilang katulong ang paghingi ng saklolo ng kanyang mag-ina pero huli na ang lahat para sila’y mailigtas pa. Naliligo nun si Arlene nang magsimula ang sunog. Ang kanilang katulong ang siyang naging maagap sa nangyaring sunog at isa-isang pinuntahan ang kuwarto ng mga bata. Kung walang presence of mind ang kanilang katulong, malamang na hindi lamang ang mag-inang Arlene at Marlowe ang natusta kundi halos silang lahat sa pamilya.

Nung nakaraang Biyernes ng gabi sa aming pagdalaw sa burol sa Funeraria Nacional, nakita namin ang dalawang selyadong kabaong ng mag-inang Arlene at Marlowe. Kahapon, Linggo, inihatid sa kanilang huling hantungan sina Arlene at Marlowe sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. Pero hindi pa rito nagtatapos ang pagdadalamhati ng pamilyang naiwan – si Gil at ang kanyang tatlong anak na pansamantalang nakikipisan ngayon sa bahay ni Manny sa may Roces Ave. in Quezon City.

Ayon kay Manny, ang buong akala niya ay hindi niya makukuhang umiyak, pero nang makita niya ang kanyang kapatid na humagulgol at mag-break down, hindi na rin nakayanan ni Manny ang kanyang pinipigil na emosyon.

More than ever, dito naipakita ni Manny sa kanyang kapatid na si Gil at sa mga anak nito ang kanyang tulong at kalinga.

"Ang feeling ko nga, ako ang namatayan," pahayag ni Manny. "Kung ano ang naramdaman ng kapatid ko ay naramdaman ko rin dahil naroon ako sa kanyang tabi sa oras ng kanyang pagdadalamhati."

Dahil walang naisalbang mga damit at gamit ang kanyang kapatid at mga pamangkin, si Manny na rin ang nag-provide ng kanilang mga personal needs. "Ang gusto ko lang maalis sa isipan ni Gil ay mawala ‘yung guilt feeling na hindi niya naisalba ang kanyang mag-ina. Wala siyang kasalanan at kung pinilit niya, tatlo silang masasawi at lalong kawawa ang mga batang maiiwan nila," kuwento pa ni Manny na kinakitaan namin ng buong tapang at tatag ng loob.

Kay Gil at sa kanyang mga anak, sa aming kaibigang si Manny Valera, ang aming taos-pusong pakikiramay.
* * *
[email protected]

ARLENE

FUNERARIA NACIONAL

GIL

KANYANG

MAG

MANNY

MARLOWE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with