Ika-21 pelikula na pagtatambalan nina Vi at Boyet

Tatlong dekada na ang tambalan nina Vilma Santos at Christopher de Leon. At ngayon ay nakatakdang mapanood ang kanilang ika-21 tambalan, sa Dekada ’70 ng Star Cinema, hindi lamang ang mga tagasubaybay nila ang excited kundi maging silang dalawa rin. "Matagal na kaming di nagkakasama ni Boyet. nakaka-miss din," ani Vi sa presscon ng nasabing pelikula.

Ang Dekada ’70 ay isang Carlos Palanca Award winning novel ni Lualhati Bautista, ang sumulat din ng Bata, Bata Paano Ka Ginawa? Tungkol sa isang pamilya nung panahon ng Martial Law. Ang middle class na pamilya nina Julian at Amanda Bartolome at ang lima nilang mga anak na puro lalaki. Isa silang konserbatibong pamilya na ang mga values at ideologies ay na-threatened, ang kanilang pagkakaisa at lakas ay sinubok. Naapektuhan ang dating tahimik at passive na maybahay at nag-iisang babae sa kanyang tahanan. Unti-unti ay nagising para ipaglaban ang kanyang karapatan bilang isang babae, isang ina at bilang isang mamamayan.

Gumaganap na mga anak ng mag-asawang Bartolome sina Piolo Pascual (Jules), Carlos Agassi (Isagani), Marvin Agustin (Emmanuel), Danilo Barrios (Jason) at John Wayne Sace (Bingo). Direksyon ni Chito Roño.
*****
Nakapagpahinga rin si Wendell Ramos matapos ’yung sunud-sunod na sex-drama films na ginawa niya. Comedy naman ang babanatan niya sa Bakit Papa? ng Regal Entertainment na siyang kauna-unahang pelikula ng Sex Bomb Girls sa pangunguna ni Rochelle Pangilinan. Kasama rin dito sina Allan K., Jeffrey Quizon, Richard Gutierrez at Chynna Ortaleza sa direksyon ni Uro dela Cruz.

"Sa wakas, magagamit ko rin sa pelikula ’yung komeding every week ay ginagawa ko sa TV," sabi niya. "First time ko na makasama sa isang wholesome movie kaya ganado talaga ako. Maiba naman, kumbaga.

"Swerteng katrabaho ang Sex Bomb Girls. Game silang lahat. Wala silang reklamo kahit patay nang katawan namin sa shooting. Walang maarte sa kanila, very professional sila at kalog pa. Ngayon alam ko na kung bakit sila sikat."

Kasama rin sa pelikula sina Dindin Llarena, Jane Oineza Angelica Ferrer.
*****
Isang mataos sa pusong pakikiramay ang ipinaabot ko sa mga anak at mga ka-pamilya ng namatay na si G. Oscar Miranda, dating entertainment editor ng PSN at hanggang sa oras ng kanyang kamatayan ay isang practising journalist. Namatay ito makaraang maratay sa karamdaman sa Chinese General Hospital. Ang kanyang labi ay matatagpuan sa Manila Memorial Chapel, Sucat, Parañaque City.

Si G. Miranda ay hindi lamang isang mahusay na manunulat at editor. Isa rin siyang award winning scriptwriter. Ilan sa mga obra niya ay ang Sakada, Mister Mo Lover Boy Ko, Paradise Inn at marami pang iba.

Show comments