Bituin Escalante nanalo sa Himig Handog

Sa ikalawang pagkakataon, nanalo ng grand prize ang composer na si Soc Villanueva para sa kanyang awiting "Kung Ako na Lang Sana" na inawit ni Bituin Escalante sa katatapos na Himig Handog Love Songs songwriting competition na ginanap noong Nov. 10 sa ELJ Communications Center ng ABS-CBN.

Nanalo na ng unang grand prize si Soc sa Himig Handog Sa Bayaning Pilipino songwriting contest para sa kantang "Si Ka Bayani" na sinulat niya sa tulong ni Arnel de Pano. Samantala, si Bituin din ang nanalo bilang Best Interpreter at nakuha niya ang cash prize na 50,000.

"Maganda talaga ang manalo sa Himig Handog’ contest," nakangiting sambit ni Soc. "Pag dito kasi, wala na ang second place o third place. Pag sinabing winner ka, ikaw lang talaga at wala ng iba pang nanalo. Naramdaman ko ito two years ago nang manalo sa Himig Handog at naramdaman ko uli ngayon."

Ang iba pang mga nagwagi ay ang awiting "Love Has Come My Way" ni Leo Quinitio na inawit ni Heart Evangelista. Ito ang nanalo bilang Texter’s Choice Award at Listener’s Choice Award, ang "Kung Ako Ba Siya" ni Arnold Reyes na kinanta naman ni Piolo Pascual ang nagwagi ng Buyer’s Choice Award.

Bawat isa sa mga nabanggit na winners ay may katumbas na P50,000 at libreng all-expense Asian cruise sa Hongkong, Vietnam at Mainland China sakay ng Super Star Leo.

Sa mga hindi nakapanood ng naturang contest, maririnig ang mga kanta na kalahok sa "Himig Handog Love Songs 2002" compilation album sa mga paborito ninyong record bars. Available ito sa cassettes at CDs mula sa Star Records.

Show comments