Isabel kinalimutan sa kasal si Kuya Germs

Marami ang nagulat sa biglaang desisyon ni Isabel Granada na magpapakasal na siya sa kanyang boyfriend. Apo ni Rudy Genasky ang mapapangasawa nito at ang kasalan ay gaganapin sa Angeles City, Pampanga. Magugunitang nagkahiwalay sina Isabel Granada at ang mommy niyang si Guapa matapos piliin ng aktres ang boyfriend nito kaysa sa kanyang ina na ngayon ay nasa España. Sa kabila ng pagtutol ng ina ng aktres ay desidido pa rin na magpakasal ang dalawa. Inalam namin kay Isabel kung sinu-sino ang mga ninong at ninang, sinabi niyang puro colonel at pulitiko sa Pampanga ang nasa listahan. Iminungkahi namin sa kanya si Kuya Germs pero dedma lang ang aktres. Kabilang sa ninong na taga-showbiz ay si Pampanga Gov. Lito Lapid at sa mga abay naman ay kinabibilangan nina Maricel Morales, Ace Espinosa, Snooky Serna, Ricardo Cepeda, Niño Muhlach at iba pa.

"Hindi pa namin nakakausap si Kuya Germs at saka ayos na ‘yung listahan namin," pahabol ni Isabel.

Malaki ang utang na loob ni Isabel kay Kuya Germs dahil siya ang nagbigay ng break kay Isabel para makilala sa showbiz. – Boni A. Casiano

Show comments