Rudy & Alma together again

Mukhang nagmarka ang unang guesting ni Alma Moreno sa sitcom nina Rudy Fernandez at Rosanna Roces, ang Daboy en da Girl dahil nagdesisyon ang GMA na gawing mainstay si Ness sa nasabing programa simula sa darating na Nobyembre 21 (Huwebes), ika-9:30 ng gabi.

Sa pagpasok ni Ness sa sitcom, magkakaroon ng mga pagbabago sa takbo ng istorya. Mapipilitan si Daboy (Rudy) na mag-quit sa kanyang trabaho bilang alagad ng batas. Binili ng mag-asawang Daboy at Girly (Rosanna) ang bar na pag-aari ng manliligaw ni Baby (Sunshine Dizon) na si Vandolph at ginawa itong Daboy’s Grill. Bumalik naman galing Italy si Brenda (Alma) na siyang magpapagulo sa pagsasamang Daboy at Girly. Si Brenda lang naman ang magiging pakialamerang kapitbahay nina Daboy at Girly.

Ang pagpasok ni Ness sa Daboy en da Girl, tiyak na magkakaroon ng intriga dahil alam naman ng marami na si Ness ang unang nakarelasyon ni Daboy bago dumating sa buhay ng aktor si Lorna Tolentino.
* * *
Napakabilis ng dalawampung taon. Ganun na katagal ang concert queen na si Pops Fernandez.

Pops was barely sixteen years old nang magsimula sa showbiz. Paano namin ito makakalimutan ay naging bahagi kami sa kanyang pagsisimula.

December 1981 nang makilala namin ang mag-inang Dulce Lukban at Pops Fernandez sa bahay ng OctoArts big boss na si G. Orly Ilacad sa White Plains. Ibinalita ng dati kong boss na si Boss Orly na mapapabilang sa roster of talents ng OctoArts International si Pops. Hindi kami gaanong na-impress sa kanya dahil isang simple at mahiyaing tinedyer lamang ang aming kaharap to think na sa International School ito nag-aaral at that time. Mas humanga pa kami sa beauty ng kanyang mommy na si Dulce. But of course, kung anuman ang aming impresyon kay Pops ay sinarili na lamang namin. Maging ang mommy ni Pops na si Dulce ay hindi namin kaagad nakagaanan ng loob sa pag-aakala naming suplada ito at ganundin pala ang kanyang pakiramdam sa amin.

Sa pagpasok ng taong 1982, pursigido ang OctoArts na gawing malaking star si Pops. Sa taong ‘yon, hindi pa uso ang local MTV pero ginawan siya ng OctoArts making her the first local artist na nagkaroon ng sariling MTV para sa una niyang recording na pinamagatang "Dito" na kinompos ni Homer Flores. Nang lumabas ang kanyang unang 45 RPM o plaka, tandang-tanda pa namin nang dalhin namin si Pops sa aming production room para sabayan niya ang plaka sa pagkanta para i-lip-sync niya ito sa kanyang mga TV guestings na aming inayos para sa kanya. At para namang inadya ng tadhana, sa taon ding ito, lumaya sa kulungan ang kanyang (yumaong) amang si Eddie Fernandez na lalo pang nagpatingkad sa unti-unting pagsikat ni Pops.

Laking gulat namin nang magsimula na itong mag-guest sa mga TV shows dahil ibang Pops na ang aming nakikita. Ang dating mahiyaing Pops ay unti-unti na naming kinakikitaan ng kakaibang aura at confidence hanggang unti-unti ng makagawa ng pangalan. Na-impress sa kanya si Ariel Ureta kaya ginawa itong co-host sa kanyang panghapong programa noon sa Channel 2 na kung hindi kami nagkakamali, Ito ‘Yun ang Galing, ang titulo. At dahil sa pagiging articulate ni Pops sa pagsasalita, unti-unti ring nahasa ang kanyang husay sa paghu-host hanggang dumating ang alok sa kanya ng Penthouse Live na nag-reformat at silang dalawa ni Martin Nievera, ang ginawang main host. Nag-click ang tambalan ng dalawa hanggang sa mauwi ito sa kasalan in 1986 when Pops was only 18.

Nasubaybayan ng publiko ang love affair ng dalawa hanggang sa kanilang paghihiwalay five years ago.

At sa darating na Disyembre 14 (two days after her 36th birthday), Pops will be celebrating her 20th year in the concert scene via a major concert na gaganapin sa Ultra na pinamagatang Pops 2002 at dito namin na-realize na napakabilis talaga ng panahon. Parang kailan lang nang simulan niya ang kanyang unang major concert sa Folk Arts Theater, ang Folks Meet Pops na dinirek ni Fritz Ynfante na nagkaroon ng repeat successful concert a week after and the rest ay kasaysayan nang maituturing.

Samantala, sa hindi inaasahang pangyayari, magsasalpukan sila ni Martin sa December 14 dahil meron din itong major concert sa PICC on same date.
* * *
Email:a_amoyo@pimsi.net

Show comments