Maui, di type ang tibo!

Binibiro ng mga reporter si Maui Taylor na aliw na aliw dahil binigyan ng bagong title ang seksing aktres, ‘pantasya ng mga tomboy’.

Matapos siyang makipaghalikan sa labi kay Rica Peralejo ay nagkaroon ng maraming tagahangang mga tomboy ang sexy star.

Inamin naman ni Maui na hindi niya type na pumatol sa kabaro kahit mayaman pa ito. "Siyempre ang gusto ko, lalaki dahil mas masarap naman ito pagdating sa romansa," aniya.

Samantala, payag siyang magkaroon ng maraming breast exposure o ipakita ang iba’t ibang sexual position sa pelikula pero hindi sa frontal nudity.

Nagkaroon sila ng bonding ni Rica nang gawin nila ang Hibla at sinabing payag siyang gumawa sila ng pelikula na may lovescene. Pagdating nito galing ng Japan kung saan may show sila ni Andrew E. ay baka simulan na ang Kasalo sa panulat ni Lualhati Bautista. Excited na si Maui dahil makakapareha niya si Albert Martinez na crush niya noon pa.
Robin, Mas Pinaboran Ang Dos
Nakausap namin si Robin Padilla sa taping ng Klasmeyts kasama si Jacky Woo at tinanong ko kung bakit mas pinili niyang pumirma ng kontrata sa Dos kaysa sa Syete. Ipinaliwanag nito na mas flexible ang offer ng Dos kung saan pinatapos muna sa kanya ang lahat ng commitment di gaya sa Syete na pagkapirma sa kontrata ay kailangang magsimula na ng trabaho.

Nakahandang maghintay ang Dos sa kanya kapag maluwag na ang kanyang schedule kaya sa Pebrero pa sisimulan ang kanilang soap opera ni Judy Ann Santos.

Ngayong nasa Dos na rin ang hinahangaan niyang bituin na si Vilma Santos ay posibleng magkasama sila sa isang pelikula. "Naku! Talagang ultimate dream ko, Tita Emy na magkasama kami sa movie ni Mayor Vi. Hinahangaan ko talaga siya," sey ni Binoe.

Hindi na niya nagawa ang Kulimlim dahil sa rami ng commitment. Nagsusyuting na sila ng period movie titled Alab ng Lahi kung saan sila ni Jacky ang prodyuser at si Binoe rin ang tumatayong line producer. Maganda ang istorya nito sa direksyon ni Bebong Osorio.
‘Hibla’, Kumita
Tinanong ko ang mga checker tungkol sa resulta ng Hibla sa takilya. Ayon sa kanila ay napakalakas nito at nalampasan pa ang kita ng Gamitan na launching movie ni Maui.
Chynna, Babalik Sa Pag-Aaral
Kundi pa namin nakakawentuhan si Chynna Ortaleza ay di pa namin malalaman na magtu-twenty years old na pala siya ngayong December 6. Mukha kasi siyang bagets, parang 16 years old lang.

Nakilala siya sa mga komersyal hanggang tinawagan ng GMA-7 para sa mga TV guesting pero di naglaon ay naging regular mainstay na ng Click at mga soap opera gaya ng Ikaw Lang ang Mamahalin bilang ka-loveteam ni Cogie Domingo. Ngayon ang tambalan nila ni Richard Gutierrez ang bini-build-up ng Syete.

Nanghihinayang nga ang baguhang aktres dahil nahinto siya sa pag-aaral sa UST kung saan second year na siya ng Communication Arts. Pero nangako sa sarili na babalik din siya sa kolehiyo.

Tungkol sa kanyang lovelife, inamin ni Chynna na nagkaroon siya ng boyfriend noong 17 years old pa lang pero ngayon ay walang nanliligaw sa kanya. "Strong kasi ang personality ko pero type ko sa guy yong pina-pamper ako. Itinutukso kami ni Richard sa isa’t isa pero hanggang sa pagiging magkaibigan lang kami. Maganda ang aming chemistry at komportable kami sa isa’t isa," anang aktres.

Excited na siyang maipalabas ang kanilang pelikulang Bakit Papa? under Regal Entertainment—kasama ang Sex Bomb Girls, Allan K, Jeffrey Quizon at Wendell Ramos.

Show comments