^

PSN Showbiz

Bakit sila takot kay FPJ?

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Totoo kaya ang balita na maraming pulitiko na ngayon ang nagpapamanman-nagbabantay sa mga aktibidad ng Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.?

Napapraning na yata ang maraming pulitiko, dahil mula nang lumabas ang balitang kumukuha na ng kursong Special Political Science at Business Management ang primera klaseng action star ay nagtaasan na ang mga balahibo ng mga pulitikong ito.

Ngayon pa lang kaaga ay "tinatrabaho" na ng mga ito si FPJ, may mga nag-iikot-ikot nang bayarang researchers ngayon para makakalap ang mga ito ng butas na maaari nilang ibato sa hari ng aksyon.

Buong-buo na sa mayamang isip ng mga pulitikong kinakabahan na ngayon pa lang na tatakbo nga sa panguluhan sa 2004 si FPJ, kaya ngayon pa lang ay naghahanda na sila ng mga balang ipamamatay sa idolo ng masang Pinoy.

Unang-una, ni ha, ni ho naman ay ni wala pang pinakakawalang pahayag si FPJ, kaya ang lahat ng naglalabasan ngayon ay puro ispekulasyon at haka-haka pa lang.

Ang totoo ay iba-ibang sektor ng lipunan ang nanliligaw kay FPJ na tumakbo na ngang pangulo sa 2004, nangangalap na ng lagda ang mga ito, makumbinse lang na tumakbo sa darating na eleksyon ang hari ng pelikula.

Opinyon ng mga kumukumbinse kay FPJ na makilahok na rin sa mundo ng pulitika ay hindi naman dapat kuwestiyunin ang kanyang kapasidad na mamuno ng sambayanan, ang pinakamahalaga ay ang malinis niyang intensyon at motibo para sa bayan.

Ang grupong FPJPM (Filipinos For Peace, Justice And Progress Movement) ang namumuno sa pangangalap ng milyun-milyong pirma ng sambayanan para sumang-ayon sa pagtakbo ni Fernando Poe, Jr. sa darating na halalan sa panguluhan.

Sa ngayon ay nakapangalap na sila ng sobra pa sa sapat na lagda para pakinggan ng hari ng aksyon ang hiling ng bayan, pero may narinig na ba tayong direktang pahayag ng nangungunang aktor sa puso ng masa?

Pelikula ang inaasikaso ngayon ni FPJ, hindi ang pamumulutika, kaya masyado ng OA ang ginagawa ng ilang pulitiko na hindi pa man ay pinaghahandaan na ang pangwawasak sa personalidad ng idolo ng bayan.

Halatang-halata tuloy na ngayon pa lang ay binabalot na ng tensyon ang mga pulitikong ‘yun, alam kasi nila na iba ang karisma sa tao ng hari ng aksyon, at kahit sila ay naniniwala na karisma ang isa sa mga katangiang nagpapanalo sa kumakandidato sa anumang posisyon.
* * *
Sa ginagawang negatibong aksyon ng mga pulitikong hindi marunong lumaban nang parehas ay lalo lang nilang pinalalakas ang loob ng Hari ng Pelikulang Tagalog na tumakbo sa panguluhan.

Ayaw mang tumakbo ni FPJ dahil tiyak na magugulo ang kanyang pribadong buhay oras na makisawsaw siya sa mundo ng pulitika ay ang mga taong ‘yun pa mismo ang nagbibigay ng hudyat kay FPJ na tumakbo na nga, dahil tiyak na nakakahon na ang kanyang panalo.

Kung hindi sila pinanginginigan ng tumbong sa pagtakbo ng idolo ng masa ay bakit kailangang maging agenda ng mga ito ang pagwasak sa personalidad ng aktor?

Ang winawasak lang ay ang buo, dahil ang wasak ay wasak na talaga, wala nang itatago pa.

Sa ngayon ay suntok pa sa buwan ang pagtakbo ni FPJ sa panguluhan, pabayaan na lang muna nating isigaw ng bayan na kahit wala siyang kamuwangan sa mundo ng pulitika ay may malaking pagsulong siyang magagawa sa ekonomya ng ating bayan.

Pabayaan muna nating marinig ang katwiran ng mas nakararami na ang mga positibong katangiang nakikita ng mga ito sa magpapatakbo sa ating bayan ay na kay FPJ.

Nagsalita ang Hari ng Pelikulang Pilipino on national TV na hindi siya tatakbo, pero ngayon pa lang ay alam na ng kanyang mga makakalaban na nangangamoy-panalo na ang idolo ng masa, sakaling magbago ito ng isip kaya ganyan na lang ang pagkakagulo nila ngayon.

Ang mga pulitikong pumopormang manira na kay FPJ ngayon pa lang ay parang mga pigsa–ang layo-layo pa ng perdible ay nagpuputukan na.

BUSINESS MANAGEMENT

FERNANDO POE

FILIPINOS FOR PEACE

FPJ

HARI

LANG

NGAYON

PELIKULANG PILIPINO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with