Si Assunta ang magbabayad ng utang niya hindi si Jules

Nakatutuwang pagmasdan si Assunta de Rossi kapag kasama niya ang dalawang anak ni Congressman Jules Ledesma na nakidnap daw, dahil kitang-kitang buong-pusong tanggap na ng magkapatid ang star bilang bagong karelasyon ng kanilang ama.

Hindi kasi simple ang pinasukang relasyon ni Assunta, ang karaniwang nagiging problema ng nakakarelasyon ng biyudo o biyuda ay ang emosyon ng mga anak, pero mukhang sa aspetong yun ay nakaligtas na ang aktres.

Malapit na malapit kay Assunta ang dalawang anak ng pulitiko, mas madalas pa nga naming makitang nakayakap kay Sam ang mga bata, kaysa sa kanilang ama.

Sa Disyembre na pala gaganapin ang pagpapakasal sa huwes nina Cong. Jules at Assunta, unang napabalita na nung Nobyembre 4 sila magpapakasal, pero ayon sa dalawa ay ginahol daw sila sa panahon.

Gusto raw muna nilang plantsahing mabuti ang mga gusot na nangyari sa kanilang relasyon, gusto nilang makita sa kanilang kasal ang mga taong nakasamaan nila ng loob noon.

Maayos na ang relasyon ng mag-iinang Mommy Nette, Assunta at Alessandra, nag-uusap-usap na sila at tanging sina Jules at Alex na lang ang hindi pa gaanong nagkikita nang mata sa mata ngayon.

Mas malalim kasi ang naging hidwaan ng magbayaw na hilaw, kung matatandaan ay naghamunan pa sila ng suntukan nung kasagsagan ng kanilang problema, at ang pulitiko ang naghamon at hindi ang dalaga.

Noon ay nasangkot din ang pangalan ni Polo Ravales sa usapin, si Cong. Jules din ang kumaladkad sa pangalan ng batang aktor, kaya matatagalan pa nga siguro bago matanggap nang buong-puso ni Alessandra ang pulitiko bilang miyembro ng kanilang pamilya.

Si Alex pa naman, napakadiretso ng dila, kung ano ang kanyang nararamdaman ay walang kagatol-gatol na sinasabi nito, hindi kasi uso sa kanya ang plastikan.

"Kalalaki niyang tao, e, hahamunin niya ako ng suntukan? Ano siya, di ba?" sabi ni Alex.

Oo nga naman!
* * *
Tuloy pa rin ang paggawa ng mga pelikula ni Assunta, sa bibig niya mismo nanggaling na yun ang kanyang prayoridad, kabaligtaran ng sinasabi niya noon na tatalikuran na niya ang showbiz nang dahil kay Cong. Jules.

At nakarating sa amin ang balita na hindi naman pala ang kongresista ang magbabayad ng apat na milyon kay Direk Manny Valera, si Assunta pala, at ibabawas yun sa talent fee ng aktres sa iba’t ibang produksyon na tinanggapan nila ng proyekto.

Show comments