Raymart, patuloy ang suporta kay Claudine

Hindi lamang naman si Claudine Barretto ang nagsasabi na wala pa silang ugnayan ni Raymart Santiago. Magkaibigan pa lamang sila. At maski naman si Raymart ay walang pangimi na magsabing hanggang ngayon ay hindi pa siya sinasagot ng dalaga pero, hindi ibig sabihin ay lalagyan na niya ng puwang ang kanilang friendship. Nung mamatay si Rico Yan at hanggang ngayon na unti-unti nang nakakabawi si Claudine sa nakapanlulumong kamatayan ng dating boyfriend, palaging nakaalalay sa kanya ang aktor. Lumalabas din sila pero, madalang lamang ito ayon na rin kay Claudine dahil hindi magtugma ang mga sked nila. Nung magkaroon ng birthday special si Claudine sa ABS CBN, narun ang aktor at kasama ng pamilya ni Claudine. Nun namang mag-premiere showing ang Kailangan Kita sa Studio 1 ng ABS CBN, hindi naman itinago ang pagdalo ni Raymart. At kung lilimiin na ang mga imbitado ay mga pamilya at malalapit na kaibigan lamang ng mga nasa likod ng movie, may pag-asa na si Raymart dahil kung hindi siya pamilya, kaibigan naman, isang malapit na kaibigan ni Claudine.

Nevertheless, marami sa nanood ang nagsabi na maganda ang Kailangan Kita. May nude scene rito sina Claudine at Aga Muhlach pero, hindi ito masagwa. Walang nakita sa dalawa bagaman at obvious ang kanilang kahubdan.

Amoy na amoy din daw ang mga pagkain na itinampok sa pelikula. Sabi nga ng premyadong si Laurice Guillen ay nagutom din siya after watching the film.
*****
Inilunsad ng ABS CBN The Filipino Channel (TFC), ang nag-iisang 24 hour channel na naghahatid ng mga world class entertainment at mga pinakabagong balita at mga impormasyon tungkol sa Pilipinas sa ating mga kababayan sa ibang bansa most especially North America, Australia, Japan, The Pacific Islands at Middle East at ng ABS CBN News Channel (ANC) ang isang bagong programa para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang Balitang Middle East. Mapapanood ito ng ating mga kababayan sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng TFC at ng kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas sa pamamagitan ng ANC.

Ang Balitang Middle East ay isang newsmagazine program na mapapanood linggu-linggo ng kalahating oras. Maghahatid ito ng news updates tungkol sa iba’t ibang OFW communities, reports at investigative features tungkol sa buhay ng OFWs na ihahatid ng ABS CBN Middle East News Bureau chief na si Danny Buenafe at ang 17 correspondents niya na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng Middle East.

Makakatagpo rin sa Balitang Middle East ng mga job opportunities, activity announcements ng mga OFWs at isang "Kumustahan" phone patch portion kung saan makakapiling ng mga OFW ang kanilang mga mahal sa buhay.

Magsisimula ngayon (Nobyembre 8), 1:45 ng gabi sa TFC at Nob. 9, 8:30 ng gabi sa ANC ang Balitang Middle East na ang host ay isang fresh and beautiful face na si Marieton Pacheco.

Napakaganda ni Marieton at ka-partner ng ganda ay isang talino na mabilis na magdadala sa kanya sa rurok ng tagumpay bilang isang broadcaster and news anchor.

Kabilang si Marieton sa regular pool of reporters ng ABS CBN News and Current Affairs Division. Naghahatid siya ng balita sa ANC News Live at tuwing umaga ay napapanood na nagbibigay din ng balita sa programang Breakfast sa Studio 23.

Sa edad na 24, happily married na si Marieton sa kanyang childhood sweetheart. May isa na silang anak.

Tapos siya ng Communications Arts sa La Salle.

Show comments