Direktang tumanggap ng booking ang baguhang aktor para sa isang show sa Tuguegarao, Cagayan nang hindi nalalaman ng kanyang mga manager, kaya nagkagulo-gulo ang sitwasyon.
Dahil wala ngang kumokontak sa Preview Modelling Agency na nagma-manage kay Jordan, pero nakalagay na ang kanyang pangalan at retrato sa mga poster at tiket para sa show ng Sexbomb Dancers na kasama siya, ipinalagay ng mga ito na lokohan lang ang lahat.
Inilabas naman ng mga kasamang Jobert Sucaldito at Pilar Mateo ang sumbong-impormasyon ni Jojit De Nero na malapit sa aktor, para malaman lang namin nung bandang huli na si Jordan pala mismo ang nakipagsara sa nasabing transaksyon.
Kalokohan ang ginawa ni Jordan dahil unang-una ay wala siyang karapatang makipagnegosasyon nang walang nalalaman ang kanyang mga manager.
Sa pinirmahan niyang kontrata sa Preview Modelling Agency nina James at Cecille Salas ay nakasaad dun na walang anumang transaksyong maaaring isara nang hindi alam ng ahensiya ng mag-asawang manager ni Jordan.
Kung meron mang nagtatanong sa kanya para sa posibilidad na makuha ang kanyang serbisyo para sa isang show, ang ginagawa dapat ni Jordan ay ipinapasa niya yun sa kanyang mga manager, para mapag-usapan ang proyekto.
Hindi ibinebenta ng artista ang sarili niya sa mga promoter-producer, ang manager ang nakikipag-usap, ang mga ito ang nakikipagnegosasyon tungkol sa presyo, petsa at mga kailangan para sa show.
Oras na gumawa ng show ang isang artista nang lingid sa kaalaman ng manager, ang ganung akto ay panloloko na agad, meron nang malisya at motibo.
Kailangang panagutan ng artista ang kanyang ginawa, kailangan siyang bigyan ng leksyon at matuto.
May legal silang basehan na pagbawalan si Jordan, dahil wala naman talagang kontratang pinirmahan ang kanilang opisina, walang karapatang magreklamo ang produksyon dahil nilampasan ng mga ito ang karapatan ng mga managers ng baguhang aktor.
Nung una ay nagplanong pumunta si Jordan dahil siya nga ang nakipagsara ng negosasyon, pero nang makarating sa kaalaman ng Preview ang palusot na booking ay walang nagawa ang miyembro ng Power Boys.
Beinte mil daw ang halagang sangkot sa booking, sabi sa amin ni Jojit, halagang ipinagpalit ni Jordan sa tiwala ng kanyang mga managers.
Magulo na nga ang sitwasyon dahil ang dami-daming nangangalaga sa career ng aktor ay mas pinagugulo pa niya, tumatanggap siya ng kompromisong hindi alam ng opisinang kontratado siya, di lalo nang nagkaloko-loko ang sitwasyon?
Saka sana naman ay huwag nagpapakawala ng mga salitang alanganin ang baguhang aktor na ito, dahil nang tanungin at pangaralan siya ni Jojit na huwag niyang ginagawa ang ganun ay pinagsabihan niya ito na huwag nakikialam sa kanya.
Ganun?
Baka pagsisihan ni Jordan Herrera ang kanyang sinabi kapag inapuntahan ng kakaibang desisyon si Jojit?
Magkano pa lang ba naman ang kinikita ngayon ni Jordan sa paglabas-labas niya sa telebisyon at sa pagsalang sa mga provincial shows?
Makakaya ba niyang magkaroon ng sariling brand new car, magagandang damit at alahas kung hindi siya pakikialaman ni Jojit de Nero?
Ano si Jordan, hilo?