May kaugnayan ang mga tanong sa katatapos lang na pagbibigay-parangal ng ABS-CBN sa kanilang mga artistang tapat sa nasabing istasyon, kung saan pati naman ang hindi masyadong kilalang artista ng network ay binigyan ng loyalty award, pero nakalimutang isama sa bilang si Jolens.
Kung ang pagbabasihan kasi ay ang haba ng mga taong ipinamalagi ng artista sa Dos ay mapapasama sa grupo ng mga artistang tumanggap ng parangal para sa sampung taon si Jolina, dahil 12 taon siyang namalagi sa naturang istasyon.
At dire-diretsong 12 taon yun, na ang ibig sabihiy hindi lumabas ng bakuran ng Dos si Jolina, isang istasyon lang ang itinuring niyang tahanan sa loob ng 12 taon.
Kung ang track record naman sa paggawa ng pelikula ang pag-uusapan ay mismong mga taga-Star Cinema na ang nagmamalaki, lahat nang ginawang pelikula sa kanila ni Jolina ay kumita ng milyun-milyon, walang naitalang flop ang batang aktres sa kanilang bakuran.
Sa Star Records ay ganun din, bumenta ang mga ginawang album ni Jolina sa kompanya, limang solo albums yun at pwera pa ang mga nagawa niyang soundtrack.
Kung ang mga katangiang nabanggit nga naman ang pagbabasihan ay sobra-sobra pa ang kwalipikasyon ni Jolina para handugan ng loyalty award, dahil bukod sa naging tapat na siya sa istasyon ay nakapag-akyat pa siya ng milyun-milyon sa kaban ng yaman ng ABS-CBN.
Ang opinyon ng mga tagasuporta at nagmamalasakit kay Jolina, kahit wala na sa Dos ang dalaga, kahit pagpapahalaga man lang sana sa karangalang naihandog sa kanila ng batang aktres ay binigyang-importansya ng istasyon.
Pero ayon sa mga nakausap namin ay mas binigyang-pansin pa ng network ang pagbibigay ng award sa mga hindi naman totoong naging tapat sa istasyon, pati na sa mga artistang ganun na pala kahaba ang taong ginugol sa Dos, pero wala pa rin namang napapatunayan.
Malawak para sa amin ang tinutukoy ng loyalty award na ito, dahil ang relasyong naglalaro dito ay ang relasyon ng amo at ng tagasunod, ang nagsisilbi sa kanyang pinagsisilbihan.
Ang kailangan kasi sa ganitong uri ng relasyon ay nagsasalubong sa gitna ang amo at ang alipin, hindi maaaring palaging ang alipin lang ang kumikilos, para magkita sila sa gitna ng kanyang amo.
Ang ganung sitwasyon ang nag-uudyok sa alipin para humanap ng panibagong amo, ng bagong pagsisilbihan na magpapahalaga sa kanyang kapasidad, ang sitwasyong nagbabadya sa kanilang paghihiwalay.
Kapag hindi na kasi maligaya ang isa sa kanila ay nawawala na ang magandang samahan, parang kontrata rin na kapag hindi na nasisiyahan ang isang panig ay nawawalan na ng halaga.
Malawak at malalim ang ibig sabihin ng katapatan, hindi isang panig lang ang bumubuo sa isang magandang samahan, dalawang kampo ang kailangang kumilos at mag-alaga para mapanatili ang isang solidong relasyon ng amo at ng tagapagsilbi.
Maliban na lang kung tayoy mga aso na hagisan lang ng buto ay maligaya na dahil kasabihan nga, ang katapatan ay para lang sa mga aso.