Sino ang tunay na manager ni Jordan Herrera?

Nagmiting-miting pala ang mga namamahala sa career ng baguhang aktor na si Jordan Herrera kamakailan para maiayos ang kontrobersya sa pagitan ng miyembro ng Power Boys at ni Camille Prats.

Totoo, maraming humahawak sa career ni Jordan, kaya natatakot kami na baka ang mangyari sa baguhang aktor ay lalong mapabayaan dahil kasabihan na nga na kapag maraming nagpapakain sa baboy ay saka lalong nagugutom.

Ang tunay na manager ni Jordan ay si James Salas, dating miyembro ng sumikat na Universal Motion Dancers, ang presidente ng Preview Modelling Agency kung saan nakakontrata ang baguhang aktor.

Sina James at Cecille Salas ang nakapagsara ng kontrata para sa isang patalastas ng deodorant kung saan napansin ang aktor, ang Preview Modelling Agency ang humahawak sa iskedyul ni Jordan, pero may isa pang taong kinikilala ring manager ng baguhang aktor.

Si Buboy Barril ang sinasabing nakadiskubre kay Jordan nu’ng mga panahong parampa-rampa pa lang siya na barya-barya pa lang ang kinikita at magandang banggitin na sa pag-angat ng career ng aktor ay kasama pa rin niya si Buboy.

Pero nagkakaroon ng problema dahil may gustong patunayan si Buboy — na kaya nitong desisyunan nang mag-isa ang career ni Jordan at gusto nitong magpakilalang makapangyarihan sa buhay na personal at propesyonal ng miyembro ng Power Boys.

Kapag may mga reporter na nagtatanong kay Buboy ay madulas ang dila nito sa pagsasalita, ni hindi nito iniisip kung makagaganda ba ang kanyang pagpapainterbyu kay Jordan o makasasama pa nga.

Tulad na lang nang magsalita ito tungkol sa isyung pinagpipistahan ngayon sa pagitan nina Jordan at Camille Prats, buong-ningning na sinabi ni Buboy Barril na si Camille lang daw naman ang habol nang habol sa may asawa’t anak nang aktor, pero si Jordan ay tutok sa kanyang career.

Natural, nabulabog ang kampo ng dalaga sa mga salitang pinakawalan ni Buboy, pero sa halip na maunawaan ay marami ang nagalit sa baguhang aktor.

Si Jordan Herrera ang nalagay sa alanganin, si Jordan ang napintasan, si Jordan ang lumabas na kiss and tell, si Jordan ang umani ng mga bira mula sa mga manunulat.

Itinanggi ni Jordan ang pangyayari, kaya ang naiwanan sa gitna ng laban ay ang madaldal at mapapel na si Buboy.
* * *
Balita nami’y masyado nang sumosobra ang pagpapakita ng kapangyarihan ng Buboy na ito kay Jordan dahil kung saan-saan nito dinadala ang baguhang aktor, kumita lang ito ng ilang porsiyento ng komisyon.

Magulo ang koordinasyon, nagkakapatung-patong ang iskedyul ni Jordan dahil sarado na ang petsa para sa Preview ay nakikipagsarado pa rin pala sa ibang promoter itong si Buboy.

Natural, ang nahihirapan tuloy ay si Jordan dahil iisa nga lang naman ang kanyang katawan, pero kailangan niyang sagutan at puntahan ang magkabilang booking.

Dapat ay isang tao lang ang kinakausap sa pakikipagtransaksyon sa myembro ng Power Boys para hindi nagkakaekis-ekis ang trabaho, hindi tulad ng ganyan na nakasagot na pala sina James at Cecille, pero may sinagutan din pala si Buboy.

Kapag hindi nila agad naplantsa ang problemang ito ay si Jordan ang masisira, ang baguhang aktor ang malalagay sa alanganin, hanggang sa mawala na lang siyang parang bula.

At mas nakapanghihinayang ang ganu’n kapag nangyari dahil pagkatapos nilang sama-samang paghirapang mapaangat si Jordan Herrera ay sila-sila rin pala mismo ang sisira sa kanilang pinaghirapan.

Show comments