Produ ng MMFF movie ni Lito Lapid kinasuhan sa Olongapo

Nahaharap ngayon sa kasong estafa si Direk William Mayo, direktor ng pelikulang Lapu Lapu kasama ang dalawang executive producer ng Calinauan Cine Works na sina Florante H. Castillo at Lito Marcos. Kinasuhan din si Marcos ng paglabag sa B.P. 22 (bouncing check). Isinampa ang kaso sa Office of the City Prosecutor, Olongapo City noong nakaraang October 12.

Ayon sa reklamo ni Rosario Santos, may-ari ng Cafe 229 catering ng Subic Bay Metropolitan Authority (SMBA) Olongapo City kung saan nagso-shooting ang Lapu Lapu, isa sa possible entry sa darating na Metro Manila Film Festival, hindi tumupad sina Direk Mayo at dalawang kasama nito sa napagkasunduan nilang lingguhang bayaran para sa pagpapakain ng Cafe 229 sa produksyon ng Calinauan.

Umaabot umano sa halagang P617,870.00 ang pagkakautang ng Calinauan na niri-represent nila Mayo.

Tumalbog din ang unang tsekeng ibinayad ni Lito Marcos kay Mrs. Santos na may halagang P300,000 (1st Bank Check No. 0228807 dated September 25).

Nagsimulang silbihan ng Cafe 229 ang cast at crew ng produksyon noong Aug. 9. May mga iniharap na dokumento si Mrs. Santos na may kontrata sila sa sa Calinauan. Pero mula noon ay hindi pa rin sila binabayaran. Pero dahil sa pangako ni Direk Mayo at dalawang producers sa harap mismo ni Gov. Lito Lapid na bida sa pelikulang Lapu Lapu, patuloy pa ring nagsilbi ang Cafe 229 sa Calinauan production.

Hindi nagtagal ay bigla na lang kumuha ng ibang catering service ang nasabing produksyon nang walang paalam kay Mrs. Santos kaya napilitan siyang magdemanda.

Sa isa pang sulat ni Mrs. Santos sa PSN, inakusahan din nito si Direk Mayo na binubulsa nito ang budget ng pelikula. Nakabili na rin umano ito ng bagong sasakyan - Starex at meron din daw itong bold star na lover na sinusustentuhan niya ngayon. Samantalang si Mr. Marcos naman daw ay nakuha na ang isinanlang sasakyan at ang assistant director na si Boy Pineda ay naka-impound pa ang sasakyan sa Forest Hill. – Lani Sapitanan

Show comments