Gary V., muling mag-aaral

Isa sa mga binabalak na gawin ni Gary Valenciano sa pagsapit ng kanyang ika-20 anibersaryo sa showbiz ay ang pag-aaral na muli. Pero, hindi rito kundi sa US siya kukuha ng mga isang buwang kurso lamang. Malamang na unahin niya ang isang audio engineering course dahil naniniwala siyang marami pa siyang magagawa sa musika niya at sa local music in general. Naniniwala siya na magaganda ang ating musika at isa sa pinaka-magagaling ang ating singer pero, may mga nakilala siyang mga sikat na performer at technical people na hindi nangiming magsabi sa kanya na may malaking diprensya ang ating tunog na nakakaapekto ng malaki sa mga singers natin. Tulad niya.

Balak din ni Gary V. na bigyan katuparan ang malaon na niyang pangarap na makapag-score sa pelikula. Nagawa na niya ito nun at gusto niyang ulitin, this time on a bigger project.

Napaka-haba ng listahan ni Gary ng mga bagay na gusto niyang bigyan katuparan. Gaya ng paggawa ng pelikula. "Dream role ko ang maging isang coach sa basketball," sabi niya.

Gusto rin niyang mag-record ng tribal music, ng isang children’s album pero di tulad ng mga karaniwang children’s music na naririnig natin kundi bibigyan ng isang parang Aaron Carter approach pero, mga bata pa rin ang kumakanta.

Last but not the least, gusto niyang magdaos ng isang napakalaking concert. Maraming suggestions para sa pagsasama nila ni Martin Nievera pero hindi pa sila nakakapag-usap.

Samantala, matapos ang kanyang matagumpay na OnStage series, nakatakda siyang mapanood sa Higher Ground concert sa Oktubre 25, 7:00 p.m. sa Araneta Coliseum para sa Jesus Is Lord. Magdaraos din siya ng isang back-to-back concert sa Expo Pilipino sa Clark, Pampanga sa Nobyembre 30 kasama ang Freestyle. Para naman ito sa Viva concert.
* * *
Marami ang nagtatanong kung si Diana Zubiri ba ang dahilan kung kaya hindi nakarating si Cong. Miguel Zubiri sa katatapos na TV Star Awards. Inanyayahan si Cong. Zubiri ng PMPC para maging presentor kasama ang pambatong aktres ng Seiko Films. Diumano, ang ina ng Kongresista ang pumigil para ito dumalo sa nasabing affair. Apektado na raw si Gng. Zubiri sa mga balita na nagsasabing magkapatid ang aktres at kongresista. Umiiwas na raw ang pamilya Zubiri na makaladkad pa ang pangalan nila sa gulo ng showbiz.

"Na-inform naman ako agad na hindi siya ang makaka-partner ko kaya lang, nasaktan ako," reaksyon ni Diana.

Nagkita na ang dalawa sa TV kamakailan. Nagpalitan pa sila ng no. and every now and then, nagti-text sila.

"Congressman Miguel is every inch a gentleman," ani Diana na inaabot ng swerte ngayon. Kabi-kabila ang kanyang guestings. Kasama siya sa FHM 2003 calendar. Papalitan din niya ang isang beauty queen para sa isang tobacco calendar. Kasama siya sa Kasiping at kahit si Halina Perez ang itinatampok dito ay maganda naman at mahalaga ang kanyang papel.

Kasama rin sa Kasiping ng Seiko Films na idinidirek ni Augusto Salvador sina Dante Balboa at Rodel Velayo.

Show comments