Hindi lang ang mga palakpakan at tilian ang naging basehan namin kung bakit, lahat naman kasi ng mga artistang nagdaratingan sa UP Theatre ay tinitilian ng mga tao, ang tanong ay kung sino ba ang talagang tinilian at pinagkaguluhan?
Ang pagtatanungan ng mga tagahanga at miron sa labas ng teatro ang isa sa mga barometro para malaman mo kung sino ang talagang inaabangan ng mga tao.
Tanungan nang tanungan ang mga nandun, nakapasok na raw ba si Piolo? Dumating na ba si Piolo? Ano raw ba ang itsura ni Piolo nung dumating?
Hindi alam ng mga tagahanga na maaga pa lang ay nasa UP Theatre na ang kanilang idolo, isa kasi sa mga hosts ng gabi ang aktor, kaya kailangang maaga siyang nandun. Kahit sa pagbebenta ng souvenir program ay isa lang ang tanong ng mga fans, may ads o picture raw ba si Piolo sa loob? Kung meron daw ay bibili sila, pero kung wala, huwag na lang.
At nang lumantad na sa entablado si Piolo kasama si Regine Velasquez ay napuno ng tilian at palakpakan at sigawan ang UP Theatre.
Nakatutuwang-nakaiinis din na tilian, dahil makabasag tenga yun at hindi lang miminsan-makalawang nangyari, dahil sa tuwing magkakaroon ng commercial gap ay sigawan nang sigawan ang mga fans.
Puro "Piolo, I love you!" ang maririnig mo, o kung magbago man ang sigaw ay "I love you, Piolo!" naman ang hahalili, kaya pareho rin.
Nahihiya kasi siya na baka kung ano ang sabihin ng iba, isa pa ay gusto niyang ganun din kalakas sa tili at palakpak sa kanya ang sigaw ng mga fans para sa ibang mga artista.
Pero marunong siyang magpahalaga, tuwing nagkakaroon ng break ay kinakawayan niya ng pasasalamat ang maraming tagahangang nagtiyagang magpagod at magpuyat para lang makita at makasama siya.
Kapag ginagawa yun ni Piolo ay lalong umiigting ang mga sigawan at palakpakan, kaya pumepreno siya at napapailing na lang.
Nang tawagin ang kanyang pangalan bilang Male Star of the Night ay nakabibingi ang mga tiliang pumailanlang, kaso lang ay nakaalis na si Piolo, kaya ang PA niya na lang ang kumuha ng premyo.
Maraming kabataang aktor na nandun nung Star Awards, may mula sa Dos at may mula sa Siyete, pero hindi maitatangging si Piolo talaga ang idolo ng mga tagahangang naroon.
Ibang-iba kasi ang kanyang karisma, malapit ang loob sa kanya ng publiko, ang dahilan kung bakit kahit sa pagi-endorso ng produkto ng ibat ibang malalaking kompanya ay siya ang napipili ng mga kapitalista.
Sa survey kasi dinadaan ang pilian, kung sino ang gusto ng publiko ay yun siyempre ang kinukuha ng mga kompanya, dahil nasa konsyumer ang buhay ng kanilang mga ibenebentang produkto.