Di pwedeng balewalain si Paolo

Naganap na ang pinakakaasam ni Paolo Contis. Ang kilalanin siya bilang isang tunay na aktor. Siya ang hinirang na Best Actor in a Single Performance para sa Chicken Feet episode ng Maalaala Mo Kaya. Ang balita namin, unanimous choice si Paolo ng voting members ng Philippine Movie Press Club para sa said category.

Hindi bago kay Paolo ang mapasama sa nominasyon. Sa katunayan, taun-taon nominado siya para sa mga nagdaang episodes ng MMK pa rin. Pero ngayong taon, tuluyan na siyang kinilala bilang isang tunay na aktor. Isang pagkilala yun na hindi basta-basta dahil sa dami ng kapwa mahuhusay na aktor na nominado rin.

Kakaiba ang pagiging aktor ni Paolo. Hindi limitado sa drama ang kanyang talento. Sa katunayan, napaka-epektibo rin niya sa comedy. Mas nakilala siya nang husto sa pagpapatawa dahil na rin sa mga programa niya sa ABS-CBN. Nariyan ang mga nauna nang Ang TV at Oki Doki Doc. Pero muling kumikinang ang kanyang husay sa drama kapag napapanood na siya sa Tabing Ilog. At sa tuwing napapanood siya sa iba’t ibang episode ng Maalaala Mo Kaya.

Ngayong isa na siyang ganap na aktor, hindi na pwedeng isnabin ang kahusayan ni Paolo. Dahil sa karangalang kanyang inani, inaasahan na dadagsain ngayon ng proyekto si Paolo. At malaking boost sa kanyang TV career ang recognition ng Star Awards lalo pa’t nagbida siya sa pinakabagong series ng Tanging Yaman, The Series ang Egoy kung saan kasama niya ang Best Drama Actress na si Jean Garcia.
* * *
Hindi pa rin nakakalimutan ng tao si Alfred Vargas, ang minsan nang naging katrayanggulo nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa sa Pangako Sa ‘Yo bilang Dyno. Ngayon ay kasama na si Alfred sa cast ng Sa Dulo Ng Walang Hanggan bilang Lito na katrayanggulo naman ni Luis Alandy kay Matet de Leon.

If the Dyno role in PSY was challenging for Alfred, masasabi niyang equally-challenging ang role niya sa Sa Dulo Ng Walang Hanggan.

"Every role na ibigay sa akin, laging challenge yan," sabi ni Alfred. "I know I will be working with a new people, kaya kailangan kong lalo pang galingan."

At first ay inisip ni Alfred na after PSY ay hindi na siya makakapag-soap opera muli. Inamin niya na malaking tulong sa kanya ang stint niya sa PSY kaya ngayong kasama na siya sa SDWH, masaya na naman siya. Idagdag pa na challenging din ang role niya.

Para sa isang aktor na mahusay tulad ni Alfred, tiyak na lagi siyang may puwang sa matitinong programa tulad ng SDWH. Di ba’t nung nilunsad ang Star Circle Batch 10, si Alfred ang sinasabing may potential na sumikat.

Abangan na lang natin kung paano makikipagtagisan ng husay si Alfred sa mga seasoned performers ng Sa Dulo Ng Walang Hanggan. Abangan ang paglabas ni Alfred sa said opera this week.
* * *
Ngayong gabi ay mapapanood sina Roselle Nava, Tin Arnaldo at RJ Rosales sa isang special show sa Ratsky’s Morato. Ang show ay part ng ASAP, The Roadshow, ang series of bar tour ng mga ASAP stars. Bale sina Roselle, Tin at RJ ang first batch ng mga singers na nagto-tour sa iba’t ibang bars. Yung ibang batch ay sina Nikki Valdez, Maoui David at Dianne dela Fuente.

Sa buong buwan ng October ay fixture ang mga said performers sa mga bars and resto like Ratsky’s at Virgin Cafe.

Sa Friday, sa Virgin Cafe, Morato ay magkakasama naman sa isang back-to-back show sina Nikki at Dianne. Expect na magpapatalbugan ang dalawang ito sa kani-kanilang repertoire.

Show comments