Daniel Razon in, Miriam Quiambao out sa 'Unang Hirit'

Sa totoo lang, hindi pinayrayt ng GMA si Daniel Razon kaya nasa kanilang bakuran na ito ngayon. Nagpasya itong hindi na mag-renew ng kanyang kontrata sa ABS CBN at sa halip ay nag-audition ito sa Siyete at sinwerte namang matanggap. Magsisimula na siyang mapanood sa programang Unang Hirit sa Lunes, Okt. 14, 5:30 ng umaga.

"Limang taon din ako sa ABS CBN," simula ng guwapong broadcaster. "Wala namang samaan ng loob sa pagitan namin. Pormal akong nagpaalam sa kanila. Pumayag sila at nag-last day ako nung July 31.

"Mahirap mag-decide but I had to move on. Gusto kong mag-TV pero, mas marami ang mas may prayoridad sa akin sa ABS CBN," dagdag pa niya.

Magkatulong sila ni Arnold Clavio na magbibigay ng maiinit na balita.

Bukod kay Daniel, bagong karagdagan din sa Unang Hirit sina TJ Manotoc at Love Añover. Si Love ang magbibigay ng traffic update at aalamin naman ni TJ ang presyo ng mga bilihin sa palengke. Makikiusyoso rin siya sa mga kusina ng ating mga celebs.

Kung may dagdag, mayroon din namang mawawala. Si Miriam Quiambao ay nagpasyang umalis sa show para makapag-concentrate sa Extra Extra. Lubhang nagigipit sa panahon ang dating beauty queen dahil parehong araw-araw ang dalawang palabas. At napili niyang isakripisyo ang Unang Hirit na maiiwan sa mga kamay nina Arnold, Rhea Santos, Lyn Ching, Suzie Abrera, TJ, Love, Daniel at Arn-Arn.
*****
Wala naman palang problema si Rafael Rosell lV sa Bureau of Immigration. Nang ilunsad siya bilang myembro ng Star Circle ng ABS-CBN nung 2001 ay nilakad na ng kanyang tiyahin ang kanyang Recognition paper. Kahit parehong Pilipino ang kanyang mga magulang ay kumuha siya ng Alien Employment Permit at nagbayad ng multa para sa mga trabaho na nagawa niya habang nilalakad ang kanyang mga papeles. Bago pa dumating ang kanyang ika-20 taong kaarawan sa Nob. 10, na-release na ang kanyang ID Certificate of Recognition bilang isang Filipino citizen.

Napapanood si Rafael sa Tabing Ilog, MTB at Arriba Arriba sa TV. Nakagawa na rin siya ng pelikula, ang Kung Ika’y Isang Panaginip. Magsasagawa siya ng mga guest appearances sa buong bansa para sa STI. Sa susunod na taon, muli niyang gagampanan ang stage role ni Fabrizio sa pagpapalabas muli ng Tanghalang Ateneo ng Mirandolina: Ang Senyora Ng Otel sa Kamaynilaan at mga probinsya.

Bukod sa pag-arte, in-demand din ang magaling nang Managalog na aktor sa mga komersyal. Tampok siya sa mga billboards ng Blue Soda.
*****
Bagaman at kasalukuyang nalilinya sa komedi si Paolo Contis, isinabak na naman siya ng ABS-CBN sa drama via the series Tanging Yaman, Sabado, 2:30 n.h. Sa episode, he gives life to an Amerasian’s plight in life.

"Tatlong oras akong nilalagyan ng make-up dito para mapaitim ang aking buong katawan. Dalawang oras naman ang kinakailangan ko para ito matanggal," ani Paolo na kinakailangan ding gumamit ng wig para maging kulot ang kanyang buhok.

Kasama niya sa episode na tatakbo ng walong linggo sina Jean Garcia, Luis Alandy, Jaclyn Jose, sa direksyon ni Jeffrey Jeturian.

Hindi pa rin nagbabago ang pangarap ni Paolo na maging pangulo ng bansa. Pangarap din niyang maging direktor ng pelikula. "Palagay ko, hindi lang technical ang kaya ko kundi pati acting, dahil artista ako," sabi niya.

Show comments