Ang turing sa kontrata ni Assunta ay sampung milyong piso, ang tawad ay hindi pa malinaw, pero kayang-kayang bilhin ni Congressman Jules Ledesma ang kalayaan ng karelasyon nito sa mga kamay ni Manny Valera.
Isang relasyon ng manager-talent na naging dahilan pa nga ng pag-alis ni Maricel Soriano sa poder ni Manny, isang relasyong ang ganda-ganda sana, kung wala lang ibang taong makikialam sa kanilang samahan.
Isang relasyong maitatangi, dahil mula nang hawakan ni Manny ang career ni Assunta ay biglang nagkaroon ng ningning ang datiy aandap-andap na bituin ng batang aktres.
Inilagay ni Manny sa gitna ng labanan si Assunta, ang dating Assunta na ginagawa lang namang palamuti noon sa mga ginagawa nitong pelikula ay naging bida, tinatanong na ng mga manunulat sa presscon at hindi tulad nang dati na ni hindi nga naiimbita ng mga produksyon para paupuin sa presidential table.
Tumaas ang talent fee ni Assunta, ang pabarya-barya ay naging buo, ang pagkakilala sa dalaga bilang basta artista lang na nagpapaseksi ay naging aktres na.
Dalawang tropeo ng karangalan agad ang tinanggap ni Assunta para sa proyektong ipinaglaban ni Direk Manny na napasakanya, mga tropeong nagdagdag ng respeto sa kanyang pangalan, mga tropeong pinapangarap ng lahat ng artista.
Sampung milyon ang gustong kabayaran ni Manny Valera sa kontrata ni Assunta, sa ayaw at sa gusto nina Cong. Jules at Assunta ay hanggang dun na lang ang turing ni Direk Manny, wala nang tawad kahit isang kusing lang.
Sasabihin ng iba, ang mahal-mahal naman, parang binibili na ni Manny ang pagkatao ni Assunta?
Kulang pa yun kung tutuusin, dahil ang hirap at pagod ay hindi natutumbasan nang kahit magkano, at si Direk Manny Valera ang nagbukas ng pintuan para marating ni Assunta de Rossi ang kinaroroonan nito ngayon.
Walang problema si Manny, kahit sa telepono lang sila nag-uusap ng kanyang alaga ay wala silang nabibiting trabaho, masunuring alaga si Assunta ayon kay Manny Valera.
Nagsimula lang gumulo ang kanilang sitwasyon nang pumasok na sa eksena ang pulitikong karelasyon ng aktres, ang kongresistang hindi malaman ng marami kung gusto na lang ba talagang maging manager ng mga artista o gusto pa rin nitong ipagpatuloy ang pagiging lingkod-bayan.
Lahat na lang ng gawin ni Direk Manny ay mali, palaging may butas at may kung anong kulang, ang sapat na ay kapos pa rin para kay Congressman Jules.
Kung anu-ano na nga ang ibinubutas sa kanya ng kongresista ay minumura pa siya sa text, pinagbabantaang ihaharap sa isang congressional hearing sa kasong exploitation na isang malaking kalokohan, dahil mas bibigyan pa kaya ng kahalagahan ng Mababang Kapulungan ang problema nina Manny at Assunta de Rossi kaysa sa kalam ng sikmura ng ating sambayanan?
Tama lang ang desisyon ni Direk Manny na presyuhan ang kontrata ni Assunta, anumang bagay na hindi na natin gusto at hindi na nakapagpapaligaya sa atin ay malaya na nating mapakakawalan nang walang sama ng loob.
At kapag hindi na tayo maligaya sa isang relasyon ay kailangan na nating lumabas, kaysa naman sa mamatay tayo nang dilat dahil sa sobrang inis, dahil hindi parehas ang laban na ating kinapapalooban.