Kung ayaw nang mag-artista magpaalam sana ng mahusay si Assunta

Habang tumatagal ay lalong nagiging negatibo ang dating sa publiko ni Assunta de Rossi dahil sa kanyang karelasyong si Congressman Jules Ledesma.

Inalis na ngayon si Assunta sa cast ng Mano Po, dahil sa ginawa niyang pambibitin sa syuting ng Bahid kamakailan.

Sa Subic ang big scene ng Bahid na pinamamahalaan ni Direk Joel Lamangan, pinaghintay nang maghapon hanggang sa gumabi ni Assunta ang mga premyadong artistang sina Eddie Garcia at Dina Bonnevie, pati na ang mga de-kalibreng modelong hindi man magtrabaho ay kailangang bayaran ng produksyon.

Malaking halaga ang nakaltas sa bulsa ni Mother Lily Monteverde nang dahil sa pambibitin ni Assunta, halos kalahating milyong piso ang nalagas sa kaban ng Regal nang dahil sa kawalan ng respeto ni Assunta sa kanyang mga katrabaho, kaya nag-desisyon si Mother Lily na alisin na siya sa Mano Po.

Pero may binitiwang matigas na pahayag ang ina ng Regal, kapag hindi tinapos ni Assunta ang huling apat na araw ng Bahid ay isang lugar lang ang kanilang hahantungan ng aktres, korte.

Hindi na kayang dibdibin ng Regal ang mga pagpapahirap sa kanila ngayon ni Assunta, mas malaking halaga ang mawawala sa kanila at timba-timbang dugo ang aawas sa produksyon, kung hindi pa sila magdedesisyon habang maaga pa.
* * *
Security alert ang ibinigay na dahilan nina Cong. Ledesma at Assunta kaya hindi nakarating sa shooting ang aktres, na kung iisipin nating mabuti, ay walang kinalaman sa linya ng kanyang trabaho.

May puso ang Regal, pero gaano man kalawak ang pasensya ng kahit sino ay mapupuno rin siguro kapag ganito na ang sitwasyon.

Kung totoo mang may nagbabanta sa buhay ni Assunta ay bakit hindi nila agad sinabihan ang produksyon, di sana’y naiurong ang iskedyul ng shooting, hindi tulad nang nangyari na napanghal na sa kahihintay ang mga artista, staff at crew ay nasaktan pa ang bulsa ng prodyuser?

Napakaraming guwardiya ni Cong. Jules, kung lumakad ang pulitiko o kahit si Assunta lang ay akala mo na taga-Malakanyang ang ginuguwardiyahan, kaya bakit hindi pinabantayan nang husto ng pulitiko ang aktres para lang matuloy ang big scene?

Ganu’n pala’t may magbanta lang sa buhay ni Assunta ay mabibimbin na ang trabaho, bakit hindi na lang pormal na magpaalam si Assunta sa mundo ng showbiz, para hindi na lang siya lumalabas ng bahay?

Kung anu-ano ang nangyayari ngayon kay Assunta, patuloy na nagiging negatibo ang kanyang dating habang tumatakbo ang mga araw, at ang itinuturong dahilan ng marami ay ang impluwensiya sa kanya ng kongresistang si Jules Ledesma.

Masyado kasing nagmamarunong ang pulitiko, lahat ay gusto na nitong sakupin, schedule master na ito ni Assunta ay manager at alalay pa, kaya nagkakagulo-gulo na ang mga kaganapan.

Show comments