Kasama ng pangulo ng Progressive Organization of Gays (ProGay) Oscar Atadero, pinangunahan ni Rep. Maza at ang mga lokal na pamahalaan ng Caloocan sa pagbubukas ng natatanging pasanayan ng out-of-school at walang trabahong gays at lesbians na urban poor.
Ang community center ay isa sa maraming proyekto sa buong bansa para sa mahihirap na may ayuda ni Rep. Maza at ng Priority Development Assistance Fund. Natupad ang proyekto sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Caloocan.
Para mabigyan ng pagkakataong matuto ng kapaki-pakinabang na kaalaman ang kabataang bading at tibo, uugnay ang Ishmael Bernal Community Center sa mga pilantropo at tanyag na alagad ng sining para makibahagi sila sa pagbibigay ng kasanayan sa handicrafts, pagluluto, gardening at iba pang talento para mailayo ang mga homosexual sa bisyo at abuso.
Pinapurihan ni Bayani Santos Jr., pamangkin ni Bernal at publisher ng gay and lesbian newspaper ManilaOut, ang ProGay sa pagpapatuloy ng simulain ni Bernal para maging makatotohanan ang sining at kultura para sa masa ng bading. Sinabi ni Santos na ang kanyang tiyuhin ay ginugol ang buhay para maglingkod sa sining.
Nanawagan din si Santos sa gobyerno at pribadong sector na maglaan ng mas maraming gamit at capital para mabigyan ng mabuting serbisyo ang 8 milyong Pilipino na bakla at tomboy.
Ipinanganak si Bernal noong 1938 at namatay noong 2 Hunyo 1996. Sa layuning ipagtanggol ang karapatan ng mga artista, itinatag niya ang Concerned Artists of the Philippines at Directors Guild. Idinirihe niya ang una niyang feature film, Pagdating Sa Dulo noong 1971.
Nagpatuloy siya at nilikha ang Tisoy, Pabling, Working Girls I and Working Girls II, Nunal Sa Tubig at Himala. Nagawaran siya ng Urian ng best director nang apat na ulit at best screeplay para sa City After Dark, nung 1980. Nanalo ang Himala, 1981, ng siyam na award sa Metro Manila Film Festival at ng bronze Hugo Award sa Chicago International Film Festival (1983). Pinarangalan din siyang Director of the Decade ng Catholic Mass Media Awards. Binigyan siya ng Cultural Center of The Philippines ng Gawad CCP para sa Sining for film noong 1990.