Ogie, Michael happy na sa Siyete

Hanggang ngayon ay pinaninindigan namin ang mga opinyong inilabas namin nu’ng nakaraang taon nang talunin ng action star na si Bong Revilla ang henyo sa pag-kokomedyang si Michael V. bilang best comedy actor sa Star Awards For Television.

Wala na kaming problema ng dating gobernador ng Cavite, ang mga isyung-pampulitika ay kinalimutan na namin, pero ang pananalo nito laban kay Michael V. ay hindi pa rin namin matanggap hanggang ngayon.

Lalo na kapag nanonood kami ng Bubble Gang, ang pagtatanong kung bakit tinalo ni Bong si Michael V. ay lalong nabubuhay sa aming isip.

Ang galing-galing kasi ni Michael V., walang ka-oa-oa ang uri ng kanyang komedya, bigay na bigay ‘yun sa napakanatural na paraan.

Karamihan kung hindi man lahat ng ideyang ipinalalabas sa nasabing sitcom ay nagmumula sa kanyang mayamang utak, siya na ang nakaiisip ng mga gags ay siya pa ang gumaganap, kaya nabibigyan niya ng tamang timpla ang komedya.

Nu’ng presscon ng pelikulang Bestman... 4 Better Not 4 Worse ay silang dalawa ng kanyang partner na si Ogie Alcasid ang iginisa nang husto ng mga manunulat.

Kung si Michael V. ay angat sa komedya ay sumusunod naman sa kanyang yapak si Ogie na parang hindi kapani-paniwalang mahusay rin sa pagpapatawa, dahil seryoso naman itong singer.

Ang mga likhang-awitin ni Ogie ay nanunuot sa puso, bibihirang singer at kompositor ang tulad niya na halos lahat ng gawing kanta ay niyayakap ng publiko.

Sinsero kasi ang kanyang mga letra, madamdamin din ang kanyang musika, at ang kumbinasyon ‘yun ang putok sa mga mahiligin sa musikang sariling atin.

Sa Bubble Gang ay perpekto ang kumbinasyon nina Ogie at Michael, propesyonal silang aktor dahil hindi sila nahihiyang gawin ang kahit ano para sa kanilang manonood.

Matanda at bata ay naaaliw sa uri ng kanilang komedya, napapanahon ang kanilang mga gags at spoofs, kayang-kaya nilang gawin ‘yun nang tamang-tama ang lasa at timpla.
* * *


Ibang klase ang trailer ng Bestman... 4 Better Not 4 Worse, parang pinalaking Bubble Gang ang dating ng pelikula, kaya tiyak na putok sa manonood ang proyektong ito ng Maverick Films.

Kani-kanyang papuri sina Michael at Ogie sa isa’t isa, walang may gustong ipanalo ang dalawa, idolo ni Ogie si Michael sa pagkokomedya ayon sa singer, pero ganu’n din naman ang sinasabi ni Michael kay Ogie.

Ang totoo ay pareho naman kasi silang magagaling na komedyante, kompositor at mang-aawit, kung seryoso ang tema ng mga komposisyon ni Ogie ay pangkomedya naman ang kay Michael V.

Walang puwedeng ilaglag sa kanilang dalawa dahil pareho silang may talent sa larangan ng pagkanta, paggawa ng kanta at pagkokomedya.

Masuwerte ang GMA7 sa pagkakaroon ng mga talentong tulad nina Ogie at Michael V., hindi na nga sila pakakawalan ng naturang istasyon, dahil kahit aling istasyon ang makakuha sa kanilang serbisyo ay siguradong panalo.

Pero sina Ogie at Michael na ang nagdiretso sa posibilidad na baka lumipat din sila ng Dos, tulad ng nangyari sa iba nilang mga kasama sa Siyete.

"Hindi naman iniaalis ang possibility, pero remote possibility ‘yun, hindi mangyayari kung ngayon ang pag-uusapan natin, dahil matinding pag-aalaga ang ibinibigay sa amin ng GMA-7.

"Masaya kami sa Siyete, kaya walang dahilan para lumipat pa kami sa kabila," halos magkaduwetong pagdidiin nina Ogie at Michael V.

Show comments