Si Robin ang constant date ni Juday sa US

Dumating ng madaling araw si Judy Ann Santos mula sa US na kung saan nagkaroon siya ng mga show sa Hawaii at Los Angeles. Hindi inakala ng young superstar na daratnan niya roon ang kanyang leading man sa pelikulang Jeanie, Bakit Ngayon Ka Lang na si Robin Padilla. Sorpresa iyon sa aktres at napag-alaman nito na naroroon ang grupo ni Pops Fernandez para sa isang malaking show sa San Diego at kasama nga itong si Binoe sa show.

Humingi si Juday ng dalawang araw na bakasyon para makapagpahinga at makapamasyal bago sila bumalik ng Maynila. Naging constant companion nito ang aktor sa kanilang mga lakad at maliban sa kanya ay kasama rin sa grupo ang dakilang ina ni Piolo Pascual na si Mommy Amy na talagang hindi iniwan ang aktres at si Mommy Carol na bestfriends niya nung high school days pa nila. "Kahit sa pag-uwi namin, inihatid kami talaga sa airport kasama ang ilang members ng MB (Message Board) na talagang asikaso kami."

Humiling daw itong si Robin na mag-extend ng araw para makasabay sa pag-uwi ang grupo nina Juday pero nauna pa ring umuwi ang aktor. "Maasikaso si Robin at mahilig mamigay ng mga regalo. Kaya naman, nang may nakita akong t-shirt na may naka-print na picture ni Bruce Lee ay binili ko yon. At least, naunahan ko siya."

Samantala, tuwang-tuwa at nagpapasalamat ang aktres sa mainit na pagtanggap sa kanila ng ating mga kababayan sa Hawaii at Los Angeles. Hindi niya akalain na ganoon kainit ang pananabik sa kanila na halos ayaw silang pakawalan ng mga tagaroon. "Malaki talaga ang nagagawa ng TFC (The Filipino Channel) dahil malaking tulong ito para makilala kami sa ibang bansa." (Ulat Ni Alex Datu)

Show comments