Assunta tatakbo sa Kongreso

Harinawang huwag naman sanang matuloy ang sinasabing plano nina Cong. Jules Ledesma at Assunta de Rossi na tumakbong kongresista sa kanyang distrito sa Negros Occidental ang aktres.

Matunog kasi ang ikot ng balita na si Assunta ang ipambabala sa kanyon ni Cong. Jules sa taong 2004 bilang kongresista, samantalang ang pulitiko naman ang tatakbong gobernador sa kanilang probinsiya.

Sana nga’y kuwento-kuwento lang ang lahat, dahil kapag naging seryosohan ‘yun ay sangkatutak na pagtuligsa ang aabutin ni Assunta hindi lang mula sa kanilang mga kalaban, kundi pati na sa iba’t ibang sektor.

Kung tutuusin kasi, ni isang platitong kaalaman tungkol sa mundo ng pulitika ay wala namang kaalam-alam si Assunta, pagkatapos ay tatakbo pang kongresista?

Kung ganu’n ang magiging plano ay nakagugulat, kahit sino na lang pala ngayon ay maaari nang makisawsaw sa karerang-pampulitika, kahit pa wala namang kaalam-alam ang taong ‘yun.

Isang kaibigan ng pamilya ng pulitiko ang kumumpirma sa plano, si Assunta nga raw ang ihaharap ni Cong. Jules sa darating na halalan, dahil pangatlong termino na ngayon ito ng karelasyon ng aktres.

Nakakaloka naman ang mga pangyayari, nu’ng dukutin ang mga anak ni Cong. Jules ay may inilabas pang balita ang pulitiko na malaki raw ang partisipasyon ni Assunta sa pagpapalaya sa kanyang mga anak.

Si Assunta raw ang nakipag-usap sa mga kidnaper para palayain na ang mga anak ni Jules, at napahinuhod naman nito ang mga dumukot sa mga anak ng kanyang karelasyon.

Sino naman kaya ang maniniwala na dahil lang sa pagpapaliwanag ni Assunta ay isusuko na ng mga kidnaper sina Julio at Cristina?

Kasubuan na ang sitwasyon, lumaban o umurong ang mga kidnaper ay malalagay pa rin sa alanganin, kaya pakakawalan ba naman ng mga ito ang kanilang kinidnap nang walang kapalit na milyones?

Dalawang bagay lang naman ang pamimilian natin sa sinasabi nilang si Assunta ang naging susi sa pagpapakawala sa mga batang kinidnap, ang una ay ang pagbabayad nila ng milyones, at ang pangalawa ay drawing lang ang kidnapan na ito.
* * *
Huwag na lang sanang mag-ingay pa si Cong. Jules sa kanilang plano, lalong kaiinisan ng marami ang madaldal na pulitiko kapag sinentruhan pa nila ang istoryang ito.

Lalo lang lulutang ang mga haka-haka na ginagamit lang talaga niya si Assunta sa pansarili niyang interes, mag-iisip lalo ang marami na lahat ng ginagawa nila ngayon ay para sa pagtunog ng kanyang pangalan para sa darating na halalan.

At kung seryoso man sila sa planong pagtakbo bilang kongresista ni Assunta sa distrito ni Cong. Jules, ngayon pa lang ay titilarin na ng pinung-pino ang nagpapaseksing aktres, dahil maraming butas na masisilip sa plano nitong pakikilahok sa mundo ng pulitika.

Kapag tumakbong kongresista si Assunta ay tiyak na magpapalista na rin sa susunod na halalan sina Katrina Paula, Sabrina M., Amalia Jones, Halina Perez at iba pang sexy stars na tulad ni Assunta ay wala ring kamuwangan sa likaw ng bituka ng mundo ng pulitika.

Marami nang artistang walang karapatang kumandito ang mag-iisip na puwede rin naman pala sila, dahil kung puwede si Assunta, ay bakit hindi rin sila puwedeng kumandidato?

Kapag natuloy ang bangungot na ito ay lalo nang masasabi ng mga pulitiko na sinalaula ng mga artista ang kanilang balwarte.

Na para bang ang mga pulitikong ‘yun naman ay walang kahilig-hilig makiangkas sa bangka ng showbiz.

Show comments