Nilalagnat si Jay nang makausap ko recently, bunga ng limang oras na shooting sa ulanan na kung saan kinunan ang lovescene nila ni Aubrey sa loob ng tricycle. "Mai-imagine nyo kung gaano kasikip ang loob ng tricycle at kung paano ang ginawa namin para mapaganda ang eksena at hindi makita ng manonood ang paghihirap namin," ani Jay na kahit hirap magsalita ay gandang-ganda sa resulta ng limang oras nilang trabaho, 1:00-5:00 n.u., na si Direk Erik ang nag-choreographed ng lahat ng galaw nila.
Ayon kay Jay ay may lovescene ang halos lahat ng pelikula niya. "Pero, bawat lovescene ay iba-iba ang atake ko kaya walang nagkakapare-pareho."
Bagaman at itinuturing na isang mahusay na aktor, inamin ni Jay na hirap siya pagdating sa lovescene. "Mahirap i-execute. Pero, kapag napanood mo, parang ang dali-dali at ang nakikita lamang ay ang enjoyment ng mga gumaganap," sabi niya.
Nangangarap din siya ng award, acting award. "Darating din ito sa tamang panahon at tamang role," sabi niya.
"Marami na rin akong movies pero biggest break ko ang Live Show," anang mahiyaing aktor na alam na ipinanganak siya para maging isang artista. "Pero, hindi pumayag ang father ko kaya, nagtapos muna ako ng med tech. Pagka-graduate ko, wala na siyang tutol.
"Nung una, hindi nila matanggap ang paghuhubad ko pero, nang magtagal, na-realize nila na trabaho lang ito. Ipinagmamalaki na ako ngayon ng kuya ko, ng buong pamilya ko.
"Nag-audition ako para sa Live Show. Bago ito, ang experience ko sa pag-arte ay hanggang sa mga school plays lang. Yung role ko was intended for Carlos Morales. For some reason or the other, hindi niya nagawa at napunta sa akin.
"First day pa lang, di pa sumisigaw ng action ang direktor, umaarte na ako. Nakakahiya pero kabado kasi ako nun."
Sa Prosti, medyo may pagka-kontrabida ang role niya. Bugaw siya rito ni Aubrey. "Sexy ang movie pero, di ako sexy, character ako rito, " sabi niya.