Ruffa tutulong din sa may sakit

Kamakailan ay natapos na ang usaping MMFF scam kung saan nasangkot si Ruffa Gutierrez. Napawalang sala siya gaya ng kanyang inaasahan. Noong panahong mainit ang usaping iyon, kung maaari lamang ay huwag na siyang manatili sa bansa. Tila pasung-paso siya sa mga komentong naririnig niya kabi-kabila. Kahit pa alam niyang isang araw ay lulutang ang katotohanan na wala siyang kinalaman doon. Kaya nga mas madalas siya sa labas ng bansa.

At nang lumilinaw ang kaso ay nag-desisyon siyang manatili sa bansa. Lumalabas na siya sa telebisyon at muli siyang nag-desisyon na bumalik sa pelikula at telebisyon.

Maraming alok sa kanyang pelikula ngayon. Pero ayon sa magandang aktres, hindi pa siya handa para mag-pelikula. Kung tutuusin, hindi niya kailangang mag-artista para mabuhay kaya ngayon mas prioridad niya ang paglabas sa TV. Hindi rin magtatagal, malamang na bahagi na rin siya ng early evening drama sa TV.

Samantala, kamakailan lamang ay napili siyang image model ng Gandang Ricky Reyes. Kauna-unahan siyang modelo. Hindi nagkamali si Mother Ricky dahil karapat-dapat si Ruffa.

At nang magdaos ng ika-4 na anibersaryo ang Cancer Institute of the Philippines kung saan ang Munting Paraiso ni Mother ay nasa Philippine General Hospital, isinama ni Mother Ricky si Ruffa sa pagdalaw sa mga batang may kanser. Nakita niya ang paghihirap ng mga maysakit, naramdaman din daw niya ang pasanin ng mga magulang ng mga pasyente. Kaya nabuo sa loob niyang mula sa araw na iyon ay kabalikat na siya ng mga may sakit.

"Mula ngayon ay iisa-isahin ko ang mga kapwa ko artista, mga kaibigang mayayaman at kahit na sino na tumulong sa mga pasyenteng kapos sa buhay," ani Ruffa. (Ulat Ni Mimi Citco)

Show comments