Mas mataas kaysa sa ibang dinatnan niyang sexy stars ang dating sa publiko ni Aubrey, may class, pero hindi naman yun pilit.
Nung Biyernes ng hapon ay nakaharap namin nang malapitan ang bagong ipinagmamalaking alaga ni Dondon Monteverde, ang bida ng Prosti, na mukhang hindi nabitag ng kakisigan at kabruskuhan ni Jay Manalo.
"Guwapo siya, pero hindi ko siya type. Ang dami-dami kasi niyang kasama sa set, may mga kaibigan siya na kahit saan siya magpunta, palagi niyang kasama.
"Ayoko namang makisalamuha sa puro lalaki, but I find him sexy and nice," komento ni Aubrey tungkol kay Jay.
Si Richard Gomez ang talagang hinahangaan niyang aktor, wala pa siya sa telebisyon ay talagang si Goma na ang kanyang hinahangaan, isang pangarap na ngayoy isa nang katuparan dahil magkakasama na sila ng aktor sa isang pelikula ng Regal.
"Sabi ko pa nga noon sa mga friends ko, makatambal ko lang sa isang movie si Richard, e, puwede na akong mamatay!" tawa pa nang tawang pag-alala ni Aubrey tungkol sa kanyang kahibangan kay Goma.
Pagkanta talaga ang hilig ni Aubrey kaya pumasok siya sa UST Conservatory, maganda ang kanyang boses, puwede siyang ipakete bilang singer-sexy star.
Hindi siya basta nakakakanta lang, talagang mahusay siyang kumanta, dahil yun naman ang kanyang unang pag-ibig.
"I really love to sing, ito na talaga ang gusto ko kahit noon pa. Akala ko nga, I will really end up as a singer, pero iba pala ang magiging linya ko," nangingiti niyang sabi.
Hanggang ngayon ay buo ang kanilang komunikasyon ni Maui, ang totoo ay si Maui pa nga ang nagbibigay sa kanya ng mga pointers para malusutan niya ang mga intrigang ibinabato sa kanya ngayon.
May anak na raw siya?
"There was a time kasi na nawala ako, mga four months lang naman yun at hindi naman yung matagal talaga. I went to LA, nandun na kasi ang family ng mother ko.
"Siguro, akala ng iba, e, may milagrong nangyari sa akin, akala siguro ng iba, meron na akong ibang ginawa, kaya may mga nagsasabing may anak na ako.
"Wala akong anak, hindi totoo yun," paglilinaw ni Aubrey Miles.
Pero ibang-iba siya sa maraming sexy stars na kapag tinanong mo kung birhen pa ay babanat ng mga sagot na patagilid tulad ng "Secret!" o kayay oo naman, birhen na birhen pa sila.
Iba si Aubrey Miles, nang tanungin siya ng mga manunulat kung virgin pa ba siya ay napakakaswal ng kanyang sagot, "Hindi na".
"Hindi ko naman ipinagmamalaking hindi na ako virgin, pero alam mo yung feeling na mas hindi ko naman yata kakayaning sabihin na virgin pa ako, pero hindi naman totoo yun?
"Im not proud about it, pero mas gusto ko nang sabihin ang totoo," sabi niya.
Mas maganda si Aubrey sa personal kaysa sa mga larawan niyang lumalabas sa mga babasahin, masarap siyang kausap dahil may laman ang kanyang utak at hindi lang katawan at mukha ang kanyang puhunan.
Nakatalisod na naman ng ginto si Dondon Monteverde.