Nagkabati na si Jessa at ang kanyang ina

Walang patlang na sinusubaybayan ng mga manonood ang bawat episode ng Pangako Sa ‘Yo nina Kristine Hermosa at Jerico Rosales.

Pero sa anumang istorya o nobela ay may simula’t katapusan at hindi na nga mapipigilan ang pagtatapos ng Pangako Sa ‘Yo na sinubaybayan hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa na covered ng TFC (The Filipino Channel).

Magiging kapalit nito ang Bituin na pagbibidahan ng tunay na bituin sa kasaysayan ng industriya ng pelikulang Pilipino, ang nag-iisang superstar na si Nora Aunor. Sa cast pa lamang ng Bituin ay nakakalula na. Naririyan pa ang tatlong mahuhusay na direktor na sina Wenn Deramas, John-D Lazatin at Malu Sevilla at ang award-winning writer na si Ricky Lee.

Kumbaga sa pelikula, powerhouse ang casting ng kauna-unahang teleserye ni Mama Guy na siya ring magiging signal ng kanyang muling pagbabalik sa acting world na may kung ilang taon ding natigil.
* * *
Kararating lang ni Jessa Zaragoza (kasama ang mister niyang si Dingdong Avanzado) nung Huwebes ng umaga galing sa kanilang two-week trip sa US. Pero kinatanghalian ay agad siyang tumuloy sa presscon ng Bituin.

Bago pa man umupo si Jessa sa presidential table, masaya nitong ibinalita sa amin na nagkita-kita sila ng kanyang Mommy (Eileen Chong) at mga kapatid sa San Diego at nagsama-sama pa sila sa Disneyland.

"Good news, Tita," bungad nito sa amin. "Okey na kami ni Mommy at dalawang araw kaming nagkasama-sama," aniya.

Masaya si Jessa dahil muli na namang bumabango ang kanyang career ngayon. Kabi-kabila ang kanyang concerts at ngayon naman ay meron siyang regular TV program, ang Bituin. Second time na bale ito ni Jessa na magkaroon ng soap opera.

"Excited ako dahil kasama ko for the first time si Ate Guy (Nora). Ang makasama siya sa isang project ay isa nang malaking honor para sa akin," aniya.

Although gustung-gusto na ni Jessa na magkaroon sila ni Dingdong ng baby, mukhang mahihirapan siyang magbuntis ngayon sa rami ng kanyang trabaho. Maybe sa isang taon.
* * *
Pinatay na ang character ni Ronaldo Valdez bilang Don Miguel sa isa pang toprating drama soap na Sa Dulo ng Walang Hanggan. Sa isang episode, nalunod si Don Miguel na siya nitong ikinamatay.

Pero lilitaw siya sa ibang character sa Bituin. Siya ang gaganap na Assemblyman Amante Montesilverio, isang powerful politician na mai-in love kay Carmela, ang papel na ginagampanan ni Cherie Gil.

Mukhang paborito si Ronaldo ng ABS-CBN management dahil hindi ito nawawalan ng trabaho sa Dos. Nang mawala ang kanyang Tabing Ilog, inilagay siya sa SDNWH at ngayon ay sa Bituin.
* * *
Excited ang baguhang si Paolo Rivero dahil sunud-sunod ngayon ang kanyang movie projects. Ipapalabas pa lamang ang Prosti pero ang kasunod nito ay isang international movie, ang Young Assassins na pangungunahan ng British actor na si Jason Scott Lee at ididirek ng British director na si Hamilton McLead na nagsimula sa pagiging isang stage director sa Europe. Bukod kay Paolo, kasama rin sa pelikulang ito si Angel Aquino.

Si Paolo ay produkto rin ng isang broken family. Siyam na taong gulang pa lamang siya ay nagkahiwalay na ang kanyang mga magulang. Nagtungo ng Amerika ang kanyang ina at naiwan naman silang limang magkakapatid na pawang lalaki sa kalinga ng kanilang ama na muling nag-asawa. In 1996, sumakabilang buhay naman ang kanilang ama pero lahat silang magkakapatid ay malapit sa kanilang step-mom at sa kanilang kaisa-isang step-brother na may kapansanan.

May pag-aaring hotel-club ang pamilya ni Paolo sa Mariveles, Bataan, ang Bataan Hiltop na pinamamahalaan ng kanilang step-mom. May sariling resto-bar si Paolo sa Bataan, ang Jules Sports Diner & Cafe na kanyang pinangalanan after his youngest brother na si Julio Sebastian.

Although nakatapos si Paolo ng kanyang pag-aaral sa FEU ng Medical Technology, hindi na siya kumuha ng board dahil pinasok na niya ang mundo ng showbiz na hindi naman kataka-taka dahil tiyuhin niya ang retired actor na si Raul Aragon na naka-base na ngayon sa Amerika.

As early as nine years old ay tini-train na umano siya ng kanyang Uncle Raul na kumanta at umarte.

Ang ikinalulungkot lang ni Paolo, hindi man lamang inabutan ng kanyang ama ang kanyang pagtatapos ng kanyang kurso at ang kanyang pagpasok sa showbiz dahil sumakabilang buhay ito nung 1996.
* * *
E-mail at: a_amoyo@pimsi.net

Show comments