Matrabaho kasi ang ganung klase ng programa, ang isang paksa ay hindi nila maaaring tapusin sa loob ng maghapon lang, araw ang kanilang binibilang para makumpleto ang isang magandang paksa.
Nauna lang ng ilang paligo ang Wish Ko Lang sa show ni Willie, pero kung atake at resulta ang ating bibigyang-halaga, sa dakong huli ay pareho natin silang papalakpakan.
Seryoso ang atake ng Wish Ko Lang dahil seryoso rin ang host nito, kabaligtaran ng Willingly Yours na dahil kilala ngang komedyante si Willie, ay natural lang na may halong komedya ang takbo ng programa.
Pero pareho silang magaling, tumatama sa gitnang bahagi ng puso ang mga handog nilang sorpresa tuwing Sabado ng hapon, may kabigatan lang sa dibdib dahil kahit anong pigil ang gawin namin ay tiyak na maiiyak pa rin kami sa mga natutunghayan namin.
Una ay luha ng pagkaawa, sa bandang huli ay luha na ng kaligayahan ang nadarama namin, dahil laging may resolusyon ang kuwento at may nakalaan silang sorpresa para sa kanilang paksa.
Tuwang-tuwa kami nang sabay-sabay na binyagan ang isang dosenang magkakapatid na lumakit nagkaisip na wala sa kanilang bokabularyo ang Kristiyanismo.
Ibinili sila ng mga puting damit, sabay-sabay na ihinarap sa pulpito para binyagan, at pagkatapos ay sama-sama pa silang kumain bilang selebrasyon ng kanilang pagiging Kristiyano na.
Hindi na kailangan pang sabihin na hindi kapabayaan ng mga magulang ang dahilan kung bakit naging binata at dalaga na ang kanilang mga anak ay hindi pa rin binyagan, kundi ang sobrang kahirapan.
Ang mga meron nga namang gagastusin, iilang linggo pa lang ang sanggol ay binibinyagan na, samantalang ang mga walang-wala ay magsisilaking walang mga ninong at ninang.
Ang mag-amang napakatagal nang panahong hindi nagkikita man lang ay personal na pinagharap ni Willie, niregaluhan pa ng programa ng isang motorsiklong maipanghahanapbuhay ang biktima ng AIDS na anak at nakapipilas ng puso ang pagtatagpo ng mag-ama.
Ang kanilang yakapan at titigan, ang kasabikan ng ama na makita ang kanyang anak, wala na ngang mas titindi pang paksa kaysa sa pagmamahalan ng anak at ng magulang.
Binabati namin sina Willie at Bernadette sa magagandang kuwento-paksa na inihahain nila sa publiko, sa sipag at tiyaga na ipinakikita nila para lang mapaligaya ang marami nating kababayang kapuspalad na tulad natiy may karapatan ding lumigaya at makalasap ng kaginhawahan sa buhay.
Sanay huwag kapusin sa puso ang mga handog nila sa kanilang manonood, ang puso kasi ang pinakamagandang tulay tungo sa kapwa puso, kaya tiyak na patuloy na susuportahan ng publiko ang kanilang mga programa.
Ibang-ibang Willie Revillame nga ang nagpapatakbo sa Willingly Yours, oo ngat nandun pa rin ang kanyang pagkakomedyante at angat pa rin ang puso sa kanyang pagkukuwento.
Kuwela sa amin ang paggamit niya sa musikang ilang taon nating narinig sa ere dahil sa Lovingly Yours, Helen ng dati niyang namayapang biyenan na si Ate Helen Vela.
Kyut yun para sa amin, bigla ka na lang matatawa, kahit pa nagsasalo na ang luha at sipon mo sa pag-iyak.