Pangarap maging isang Melanie Marquez

Isa pa lamang siyang regional finalist sa gaganaping nationwide tilt para sa Bodyshot Model Search sa October 29 sa Camp Aguinaldo Theater, pero, isang bonggang pa-presscon na kaagad ang ipinagkaloob kay Frances Lei Reonisto, tubong Oas, Albay, ng mga namumuno at namamahala ng naturang paligsahan na may layuning tumuklas ng mga bagong mukha na pwedeng sumikat sa larangan ng commercial at ramp modeling, entertainment at international pageant.

Tila hindi naman nagkamali ang mga pumili sa kanya para maging kinatawan ng region V sa Bodyshot Model Search. Matangkad si Lei sa sukat na 5’7", may sukat ng katawan na 34-24-35 at may edad na 16 na taong gulang. Maganda ang kanyang kulay kayumanggi na binagayan ng mahabang buhok. Bukod sa kanyang physical attributes, mayroon siyang isang magandang singing voice.

Magandang subject for interview si Lei sapagkat very controversial ang kanyang mga sagot sa maraming tanong ng press. Bagaman at hindi pelikula ang puntirya niya kundi ang pagmomodelo at pagkanta, sinabi niya na payag siyang magmodelo ng nakahubad. Hindi na siya pinilit para kumanta. Madali siyang nagpaunlak nang may humiling na kumanta siya. Sa Setyembre 15 ay pormal siyang ipakikilala sa publiko kasama ang iba pang finalists ng Bodyshots 2002

na na-established nung 1986 at itinataguyod ng Fashion Designers Association of the Philippines. Unang winners dito sina Leo Rabago sa pro level at Benedict Navarro sa amateur division. Wala nang pro at amateur divisions ngayon – male at female na lamang.

Ang chairman ng Bodyshots 2002 ay si Gino Fernando.
* * *
Kahanga-hanga ang kagustuhan ni Rodel Velayo na mapaunlad pa ang kanyang craft. After doing more than 14 movies na pawang mga bold, umaasam siya na makakaahon din siya sa imahe na ito at makilalang isa ring mahusay na aktor.

"Wala akong tigil ng pananaliksik at pag-aaral para mapaunlad ang aking craft. Alam kong nasa tamang landas ako. Bukod dito, mabait ako, matiyaga. Nasa isang kumpanya rin ako (Seiko Films) na parang anak ang turing nila sa amin. Isa pa, marami pa akong projects at mga kaibigan na tumutulong sa akin," aniya sa isang recent interview. "Gusto ko rin naman na kahit ako nagbu-bold ay mapansin din ang acting ko. Napaka-ipokrito ko naman kung hindi ko aaminin na gusto ko ring magka-award. Lahat kaming artista ay nangangarap nito."

Bagaman at inaamin niya na hindi niya alam kung hanggang saan siya maghuhubad, naniniwala siya na gusto ng mga manonood ang kanyang ginagawa. "At kapag dumating ang araw na sawa na sila sa akin, sa mga ginagawa ko, inihahanda ko na rin ang sarili ko," dagdag pa niya. He intimated na hindi naman siya gastador. Nag-iipon siya, nagpapaaral ng mga kapatid. Mayroon din siyang bahay na hinuhulugan sa Balintawak. At may dalawang sasakyan na siya.

"Kung tutuusin, against ang pamilya ko nung una sa trabahong pinasok ko. Pero, later on, na-realize nila na trabaho lang ito, walang masama. Lalo na nang magsimula akong makatulong sa kanila.

"Baka, mga dalawang taon pa siguro, mayroon na akong mapatunayan sa aking trabaho. Gusto ko rin namang makilala sa drama na tulad ni Albert Martinez o Richard Gomez. Ayaw ko ng aksyon. Palagay ko, hindi ako para dito."

Kapareha siya ni Diana Zubiri sa Bakat ng Seiko Films na nakatakda nang mapanood sa mga sinehan.

Show comments