Dating TV star, fruit vendor na lang ngayon!

Nagtitinda na lang ng prutas ang dating sikat na TV star na naging bida noon sa isang soap opera.

Minsan na siyang hinangaan sa husay sa pagganap pero na in love siya sa fruit stand owner na part time taxi driver.

Maraming nanghihinayang sa kanya dahil magaling nga siya.
Ilang Beses Umiyak Si Sharon
Isinama ako ni Offie Angeles na manood ng concert ni Sharon Cuneta noong Biyernes sa Araneta Coliseum. Gaya nang inaasahan, napuno ang Araneta Coliseum. Tatlong oras din ang itinagal ng concert, naging guest sina Martin Nievera at Gary Valenciano. Ito’y pagbabalik-tanaw sa twenty five years ng megastar sa showbiz bilang singer at aktres.

Ang unang bahagi ay kinabibilangan ng medley ng mga awiting kinompose nina Rey Valera, George Canseco at Willy Cruz. Well-applauded ang duet nila ni Martin na "Kung Mahawi Man Ang Ulap". Ikalawang bahagi, ang pagbabalik-tanaw niya sa mga ginawa niyang pelikula. Umiyak sa pasasalamat ang aktres sa tagumpay na inani niya mula noon hanggang ngayon at binigyan ng pagpapahalaga ang taong nakatulong sa kanya, si Rey Valera. Mula sa Vicor ay dinala siya nito sa Viva Films at naging simula ng kanyang pag-aartista.

Ang ikatlong bahagi ng concert ay pagpapasalamat sa Maykapal kaya inawit niya ang "I Offer My Life To You" sa saliw ng San Miguel Orchestra kasama ang UP Concert Chorus. Sa bahaging ito, umiyak nang husto ang megastar at inihandog ang ilang awitin sa namayapang ama. Inamin nito na malapit talaga sila sa isa’t isa dahil papa’s girl siya. Malaki ang pasasalamat niya sa pamilya dahil sa magandang pagpapalaki sa kanya. Pinuri niya si KC Concepcion sa pagiging isang mabait na anak. Inawit niya ang "Ikaw" dedicated sa pamilya na nagsisilbing inspirasyon niya.

Naibigan din namin ang kanyang mga awiting likha ni Ryan Cayabyab, kasabay ng pagpapakita ng monitor ng mga naging leading men niya sa pelikula. Sa dakong huli ay ipinakita si Gabby Concepcion. Hindi pwedeng di siya isama dahil naroon si KC at mahal nito ang ama.

Sa huling bahagi ay ipinamalas ang galing sa pag-awit ng tatlo– Gary, Martin at Sha. Hindi magkamayaw ang palakpakan nang matapos ang bilang.

Star-studded ang concert kung saan nanood ang mga kaibigang pulitiko at mga artista. Marami ring mga taga-ABS-CBN led by Charo Santos.

Naalala namin ang pagbibiro ng megastar na hindi siya talaga pang-bold kaya biniyayaan siya ng boses ni Lord.
Ronald-Lana, May Relasyon?
Nakausap ko ang aking anak-anakan na si Ronald Gan nang pumasyal ako sa magarang tahanan ng mga Ledesma (sa paanyaya ni Estela) noong Miyerkules. Matagal na rin kaming hindi nagkikita. May syuting doon at dumating din si Lana Asanin na leading lady ng action star sa pelikulang Humanda Ka Hudas. Napuna namin ang extra-sweetness ng dalawa at ayon kay Ronald, gandang-ganda siya sa kapareha. Muli na namang tumibok ang kanyang puso kaya inspirado na naman sa kanyang trabaho.

In love ka ba kay Lana? tanong ko. "Wala namang masama tita dahil talagang naghahanap na ako ng nobya. I’m not getting any younger at gusto kong may makita akong babae na ihaharap ko sa altar balang araw," aniya.

Ikinuwento nito kung gaano ka-delikado ang mga stunts na ginawasa isa pa niyang pelikula, ang Stuntman.

Naghahanda na si Ronald para sa matatag na kinabukasan dahil balak niyang bumili ngayon ng tatlong bus na gagawin niyang negosyo.
Rina, Balik Sa Pag-Awit
Wala pa ring kupas ang galing sa pag-awit ng seksing si Rina Reyes na featured singer ngayong buwan ng Agosto sa Exchange Bar ng Richmond Hotel tuwing Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Garrie Trinidad ng Rhythm Production at in-charge sa Exchange Bar ay iba’t ibang repertoire ang iparirinig ni Rina mula ballad hanggang sentimental love songs na sikat ngayon.

Napakaganda ng atmosphere sa Exchange Bar kung saan nagbibigay sila ng break para sa talented at promising divas natin.

Sa kabilang banda, nami-miss na rin ni Rina ang paglabas sa pelikula at naghihintay na lang ng offer.

Show comments