1st prize at most beautiful sa International songfest

Tuwang-tuwa si Arnee Hidalgo nang makausap namin pagdating sa NAIA noong Huwebes ng gabi. Galing siyang Kazakhstan Republic na dating parte ng Russia, kung saan nagwagi siya ng second prizes Voice of Asia International Music Festival.

Bukod sa premyong ito, si Arnee pa ang nanalong Most Beautiful Contestant sa pandaigdig na paligsahan na 28 bansa ang kalahok. Kaya dalawang magagandang tropeo ang nauwi ni Arnee. Ang winning piece ni Arnee na "Sing But One Song" na sinulat ni Vehnee Saturno ang siya namang napiling Best Song sa songfest. Ito ang ikatlong trophy para sa Pilipinas.

Sabi ni Arnee, hindi naman niya alam na meron pang special award na Most Beautiful Contestant. "Siguro nakatulong ang magagandang gown na gawa ni Larry Espinosa." Sa tatlong araw na paligsahan kasi ay pawang mga likha ng pamosong couturier ang sinuot ni Arnee.

Ginanap ang international songfest sa Republic Palace noong Agosto 2 hanggang Agosto 4 at ang mga hurado ay mula sa bansang Finland, Indonesia, Russia, Australia, Malaysia, Czechoslovakia, France at iba pang bansa.

Sa tatlong araw ng kompetisyon, kinanta ni Arnee ang tatlong Saturno originals–"Where I Wanna Be", "Til My Heartaches End" at ang nagwaging Best Song na "Sing But One Song".

Kapipirma lamang ng recording contract ni Arnee sa Universal Records at naisaplaka na niya ang bagong version ng "Tanging Yaman" na kasama sa all-star cast album na "Power of Your Love", na kabilang din ang "Only Selfless Love" nina Karylle at Jed Madela, na theme song para sa 4th World Meeting of Families na gagawin sa ating bansa sa Enero 2003 at dadaluhan ni Pope John Paul II.

Ang "Power Of Your Love" album na si Gino Padilla ang kumanta ng title track ay endorsed ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Si Arnee Hidalgo, bukod sa isang mabilis na sumisikat na singer, ay kukuha ng B.S. Mathematics sa Ateneo University. Isa rin siyang composer at ang kanyang mga likhang awitin ay naisaplaka na ng ibang mang-aawit.
* * *
Talagang nakakabilib ang ginawang pagma-manage sa career at sa mga finances ni Jolina Magdangal ng kanyang mga magulang. Ang kanyang daddy na si Jun Magdangal ang manager ng kanyang career at ang tungkol naman sa pera ay bahala ang kanyang mommy.

Sa ngayon ay masasabing si Jolina ang pinaka-financially stable na young star dahil nga sa mahusay na trabaho ng kanyang parents. May sarili siyang mga negosyo at magbubukas pa siya ng isang restaurant na tatawagin niyang Chuba Chicha.

Pagdating siguro ni Jolina from the States San Francisco, Sacramento, San Diego at Los Angeles, California kung saan-saan siya may live concerts hanggang August 15–aasikasuhin na niya ang pagbubukas ng nasabing kainan.

Masaya naman siya sa kanyang taping para sa Kahit Kailan dahil ang trato sa kanya ng kanyang mga bagong kasamahan sa GMA ay matagal ng ka-pamilya.

Natatawa nga si Jolina kay James Blanco, na medyo may pagkamahiyain at tila ilag pa sa kanya noong una. Nagulat na lamang si Jolens na sa actual taping nila ay magaling umarte si James, kaya feel agad ng dalaga ang kanilang bagong tambalan.
* * *
Napag-uusapan ang financial stability ng mga young stars, kasing tatag din kaya ang mga kaperahan ni Judy Ann Santos tulad ng kay Jolina? Singhusay din bang humawak ng pera ang mother ni Juday tulad ng mommy ni Jolens?

Kung tutuusin higit na maraming mga pelikulang nagawa si Juday at halos magkasindami rin sila ng mga TV shows at mga live appearances at concerts sa abroad.

Si Jolina ay meron ng bahay worth P25 million. Dapat lang na higit na malaki ang property ni Juday at mas marami siyang naipon!

Show comments