Sex Bomb Girls sikat na sikat na!

Marami ang naniniwala na ang Sex Bomb Girls ng Eat Bulaga ang dahilan kaya kinuha ng Magandang Tanghali Bayan ang mabilis ding sumisikat na Power Boys. Marahil naniniwala sila na ang grupo na ito na nagsimula sa anim na seksing mga babae ang dahilan kaya raw iniiwan ng milya milya ng palabas ng Siyete ang palabas ng Dos. Ang malabis na ikinatatakot ng mga tagsubaybay ng showbiz ay baka ang The Hunks ang maapektuhan ng pagpasok ng dating Rexona Boys at hindi ang Eat Bulaga na kung saan ay anim na beses sa isang linggo ay napapanood ang Sex Bomb Girls.

Kunsabagay, ang pagpasok ng Power Boys, hindi man magbigay ng malaking alalahanin sa noontime show ng GMA ay sigurado namang magdaragdag ng kasiyahan sa mga manonood ng Magandang Tanghali Bayan.

Ang Sex Bomb Girls ay nabuo five years ago ng kanilang manager, ang dating Vicor dancer na si Joy Cancio para sa "Meron o Wala" game portion ng Eat Bulaga. Dati silang mga members ng grupong Dance Focus na naging Sex Bomb dahilan sa napaka-unique na dance step na ginawa nila para sa awitin ni Tom Jones na "Sexbomb". Si Joey de Leon ang nagbigay sa kanila ng kanilang pangalan na kuha sa nasabing awitin.

Labing-apat na sila ngayon pero, anim lamang sa kanila, ang bumubuo ng original group, ang kinuha ng BMG Records Pilipinas para pagawain ng isang album na pinamagatang "Unang Putok". Ang unang single nila, "Bakit Papa?", isang komposisyon nina Lito Camu at Erwin dela Cruz, ay isa nang malaking hit sa kabila ng pagkakaroon nito ng mga pirated copies. Susunod na iri-release ay ang "Pretty Little Baby".

Pormal na inilunsad sa media ang "Unang Putok" ng BMG Records Pilipinas nung Huwebes ng gabi sa Ratsky Morato.

Ipinakita ng anim, hindi lamang ang kanilang kagalingan sa pagsasayaw kundi maging ang talino nila sa pagkanta. Pinabulaanan nila ang balitang may mga ghost singers sila sa album sa pamamagitan ng pagkanta ng live.

Show comments