Peanut butter naman ang binibenta ng dating actress

Naibalita namin ang tungkol sa pagtitinda ng balot ng isang seksing aktres, ngayon naman ay peanut butter ang ibinibenta ng isa ring sexy star na sikat noon. Walang trabaho ang kanyang asawa dahil tamad ito kaya lagi silang nag-aaway. Ang seksing aktres na pinapantasya noon ng mga kalalakihan ang kumakayod ngayon para buhayin ang kanilang pamilya. Nagsisisi nga ito kung bakit hindi siya naging masinop sa pera noong kasagsagan ng kanyang kasikatan. Nagkamali rin siya ng lalaking kakasamahin sa buhay. Wala na siyang magawa kundi kumita ng kahit konting pera para maitaguyod ang pamilya lalo na ng kanyang mga anak.
Tuloy Ang Pagsasapelikula Ng ‘Lapu-Lapu’
Nagtataka si Direk William Mayo kung bakit ibinabalita ng ibang kapatid sa hanapbuhay na na-shelved na ang pelikulang Lapu-Lapu na tatampukan ni Gob. Lito Lapid.

Nagkaroon na ng extensive research ang pelikula para maging makatotohanan ang paglalarawan ng mga eksena sa buhay ni Lapu-Lapu. Malalaking artista ang makakasama rito ni Lito kabilang na si Ara Mina bilang leading lady niya, kasama rin si Roi Vinzon. Isa sa nanalong ten scripts ang Lapu-Lapu na prodyus ng Calinauwan Cine Works MMFFP 2002.
Malabo Nang Mabuo Ang Pamilya
Kahit saan ako magpunta mula Amerika hanggang Kamaynilaan ay laging itinatanong kung totoo bang may relasyon sina Mayor Joey Marquez at Kris Aquino. Ayon sa ibang nakausap ko ay bumaba ang pagtingin nila sa TV host dahil hindi nila sukat akalain na for the second time ay umibig na naman ito sa lalaking may-asawa. "Hindi pa naman annulled ang kasal nina Joey at Alma ay umentra pa si Kris.

Naaawa kami kay Ness na umaasang magkakabalikan pa sila ng dating asawa pero malabo nang mabuong muli ang kanilang pamilya dahil nariyan na si Kris. Naaawa rin kami sa kanilang mga anak," sey ng mga nakausap namin.

Sa kabilang banda, may nakarating sa aming balita mula sa kasamahan ni Ness sa soap opera na Sa Dulo ng Walang Hanggan at sinabing wala nang ganang magteyping ngayon ang aktres. Kadalasan ay hindi na ito nakakasipot sa set at ikinatwiran na sumusumpong na naman ang kanyang sclerosis. Depresyon ang nadarama ngayon ni Ness. Mabuti na lang at nasa tabi niya ang mga anak lalo na si Vandolph na siyang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para mabawasan ang bigat ng dibdib.

Pero kung kami ni Ness ay ibubuhos na lang namin ang panahon sa trabaho para makalimutan ang sakit na nadarama sa kasalukuyan. Mabisang therapy ang trabaho lalo na kapag magdamagan ang syuting at taping. Pagdating ng bahay ay lupaypay na ang katawan at sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pag-iisip sa problema. Masakit sa simula pero sa pagdaan ng panahon ay maghihilom din ang sugat. Malay natin, baka sa dakong huli ay sila pa rin ni Joey ang itinakda para sa isa’t isa.
Samantha, Magtu-Tutor Na Lang Kay Jacky Woo
Sa taping ng SATSU ay nakakwentuhan ko si Samantha Lopez na puspusan ang ginagawa para magbalik-sigla ang kanyang career. Wala na ito sa poder ni Jessica Rodriguez kaya nakikiusap sa mga kaibigan na ihanap siya ng mga proyekto sa pelikula at telebisyon.

Nakagaanan ng loob ni Jacky Woo si Samantha dahil marunong ito ng Nipongo at nang sabihin nitong handa niyang turuan ng Tagalog ang Japanese aktor ay agad itong pumayag. Seryoso ang international action star na matuto ng Tagalog dahil itinuturing niyang second home ang bansa at marami pa siyang plano sa kanyang career sa Pilipinas hindi lang bilang prodyuser at aktor sa telebisyon kundi gayundin sa pelikula. Katunayan ay may balak itong gumawa ng pelikula kasama si Robin Padilla.

Seryoso si Jacky na maging tutor si Samantha at kung papayag siya ay sa Japan niya gustong magpaturo at siya ang sasagot sa tirahan at pagkain ng aktres. Siyempre kasama na rito ang ibabayad sa kanya ng mabait na producer.

Sa kabilang banda, patuloy na inaabangan ang SATSU na napapanood tuwing Miyerkules sa IBC 13 sa direksyon ni Al Tantay under Viva TV at prodyus ng Forward Group.

Show comments