Ronald at Yam may karapatang magtagumpay

Nu’ng una ay wala kaming kainte-interes kay Yam Ledesma.

Ang impormasyon namin sa kanya noon ay isa lang sa mga nagtatangkang sumikat na kung hindi pa magprodyus ng pelikula o concert ang mga magulang ay wala namang karapatan.

Nang manalo siyang best new female artist sa Star Awards ay inisip din namin na dinaan lang sa palakasan ang lahat, na may gumapang lang sa kanya para manalo, dahil wala pa nga siyang napapatunayan para sa amin.

Pero pagkatapos ng Star Awards ay narinig naming nagde-debate ang mga miyembro ng PMPC na kasamahan namin sa Tuesday Club, pinakinggan lang namin ang kanilang mga argumento at pagbabatuhan ng opinyon, at pagkatapos naming marinig ang lahat ay nagbukas ang aming isip sa paniniwala na may karapatan ngang manalo si Yam Ledesma.

Hanggang sa makasama na namin si Yam sa pangtanghaling programa ng MMG Entertainment kung saan may mataas na posisyon ang kanyang Mommy Stella at direktor naman namin ang kanyang nakakatandang kapatid na babae.

Ilang araw naming pinag-aralan ang personalidad ni Yam, hindi lang niya napapansin, pero ilang araw siyang sumailalim sa personal naming pagsusulit.

Wala siyang ere. Pwede naman siyang mag-inarte dahil kasosyo ng kanilang pamilya si Tita Evelyn Mateo, pero maganda siyang ehemplo sa kanyang mga kasamahang TV hosts.

Maaga siyang dumarating sa studio, areglado na ang lahat ng kanyang gamit pagdating niya at kung mahuhuli man siya ng dating, sa kotse pa lang ay nagme-make-up na siya.

Wala siyang reklamo sa kahit ano, matindi talaga ang kanyang disposisyong sumikat, dahil kakambal ng tagumpay ang pagsisikap.

Minsan tinanong siya ng aming mga kasamahan kung magkano niyang nabili ang kanyang make-up kit na parang isang malaking maleta na sa kapunuan ay simple siyang sumagot ng, "Hindi ko alam, regalo lang ito ng mommy ko, eh!"

Alam naming alam niya kung magkano ang mamahaling set na yun ng make-up na kayang make-up-an ang isang buong barangay, pero sa halip na magbanggit siya ng presyo, ay iba na lang ang kanyang sinabi.

Ganun siya ka-humble, hindi niya ipinagyayabang ang kung anumang meron siya, ang totoo ay ipinagagamit pa nga niya yun sa iba.

Ganun din ang kapatid niyang si Ronald Gan, ang action star na angat ang kapasidad sa aksyon, pero lagi lang nakangiti at nagmamasid sa isang sulok.

Maganda ang pagpapalaki sa kanilang magkakapatid, may karapatan lang silang magtagumpay, dahil ang ipinakikita nilang pagsisikap para magkapangalan ay hindi matatawaran.
* * *
Malaki na ang nabawas na timbang ngayon ni Yam, puspusan ang ginagawa niyang pagda-diet (at pagbabantay na rin ng kanyang manager na si Daddie Wowie Roxas), dahil malapit nang ilabas ang kanyang album sa ilalim ng ICON Records.

May karapatang maging recording artist si Yam dahil lutang ang kanyang talento sa pagkanta, patotoo ang kanyang segment na "Jam With Yam" sa Lunchbreak Muna! kung saan nakaka-jam niya sa pang-araw-araw niyang production number ang mga sikat nating artista at singers.

Mahirap ngang husgahan ang isang tao kapag hindi mo pa siya kilala, kailangan mo talagang makasama ang taong yun nang matagal-tagal na panahon, para makilala mo ang tunay na siya.

Tulad ni Yam Ledesma.

Show comments