Manoy at Gamol parehong 'uragon'

Si Manoy? Uragon ’yan.

Ibig sabihin sa Bicol, magaling. Napakagaling sa ano mang bagay. Lahatin na natin. Iyan si Eddie "Manoy" Garcia.

Uragon din pala si Gamol. Si Andrew E. Pa! Bicolano rin pala, kahit mukhang Ilokano. Kuripot na hindi mo maintindihan. Di tulad ng karaniwang Bicolano na galante, pusturyoso at simpatiko kaya nabuo ang D’ Uragons (Never Umuurong, Always Sumusulong).

Kahirap i-schedule ni Eddie. Tatlong beses isang Linggo siyang nagti-taping para sa teleserye niya sa GMA. Pero, Lunes hanggang Biyernes naman siyang napapanood sa TV. Dapat sana’y kasawaan na ang kanyang mukha. Mauuta na ang mga tao. Dahil lagi na lang si Manoy ang bumubulaga sa kanilang pag-uwi sa bahay.

Pero, nariyan ang hindi matatawarang clamor para naman sa mga tagahanga ni Manoy sa comedy. At hindi ito lingid sa kaalaman niya. Hindi rin kayang tanggihan ng Viva Films, dahil, pati mga sinehan ay nangungulit din.

Kailangang isiksik sa schedule ni Manoy ang isa o kahit dalawang comedy man lang sa loob ng isang taon.

Sa ibang paraan naman, naipakita ni Andrew E. ang kanyang pagiging uragon. "Walang maire-reklamo ang asawa ko," aniya. "Nag-iisa siya sa puso ko. Tanungin n’yo si Manoy, ang ganda-ganda rin ni Manay. Kasi nga, alagang-alaga, spoiled na spoiled. Ganyan kami kung magmahal. Hindi kinukunsumi ang asawa, kaya hindi pumapangit. Laging maaliwalas ang mukha," sabi ni Andrew.

Pag masaya ang buhay, ganado sa trabaho. Hindi sila nakakadama ng pagod. Kasi pagdating sa bahay, may mga misis naman silang naghihintay.

Kahit sa pagpili ng mamahalin, uragon ang mga Bicolano. Walang kaduda-duda ’yan. Kaya nga, masaya talaga ang buhay nila.

Kung magaling si manoy sa drama, ganoon din siya sa comedy. Marami na tuloy mga expression ang nai-introduce ni Manoy sa kanyang mga pelikula. Trend setter pa. Totoo kay Manoy ang kasabihang variety is the spice of life. Hindi kasi puro drama ang buhay niya, mas marami ang comedy.

Mahuhuli ba naman si Gamol? Siyempre, hindi. Kayraming hit record niya. Kaya, hayan, magka-tulong para gawing mas doble ang mga katatawanang ihahandog ng D’ Uragons. Mahilu-hilo nga si Direk Ben Feleo. Akalain ba naman niyang kakarambola ang buong pelikula sa pagsasamang ito ng dalawang uragon.

Show comments