Anna Larrucea, handa na sa mature roles

Tandang-tanda ko pa nang una kong mapanood si Anna Larrucea, isang drama/light romance movie na kung saan ay ikinasal siya kay Jason Salcedo. Baby Love ang titulo ng pelikula. At the time, maraming mga manang ang tumutol sa tema ng istorya, dahil nanghihikayat daw ito ng mga kabataan sa maagang pakikipag-relasyon. Hindi ko nakita o nadama ang problemang ito. But I found the movie very entertaining and the major stars, Anna and Jason very promising.

Ilang taon nang nakalipas simula nang mapanood si Anna sa nasabing movie. Marami na rin siyang nagagawang movies (Batang X, Magic Temple, Ang TV The Movie, Batang PX, Mula Sa Puso The Movie, Puso ng Pasko, Sugatang Puso, atbp.).

Ngayon ay 17 taong gulang na siya. Aktibo pa rin siya sa kanyang pag-aartista at maging sa kanyang pag-aaral. Nasa ikalawang taon siya sa Miriam College sa kursong International Studies. Sa isang tatluhang launching nila ni Glaiza de Castro at Jemalene Estrada, na kung saan ay ipinakilala sila bilang mga artist ng DMV Entertainment sa pamumuno ni Manny Valera, manager din nina Assunta at Alessandra de Rossi, Jay Manalo, Jean Garcia, Ynez Veneracion, Meryll Soriano, Paolo Rivero, Boyztown at marami pa, sinabi niya na handa na siyang tumanggap ng mga mature roles, hindi bold pero, pwedeng sexy, pagkatapos pa ng kanyang graduation sa college.

Nakatakda siyang mag-tape sa bagong telenovela ng GMA7 na pinamagatang Hawak Ko Ang Langit para sa TAPE Inc. Lumalabas siya sa mga stage play ng Tanghalang Bughaw ng Ateneo tulad ng Ang Bagong Damit Ng Bahaghari na mapapanood sa Ateneo at FEU sa susunod na buwan.
* * *
Nina Lopez ang pangalan niya, introducing sa bagong pelikula ng Starlight Films, ang Biglang Liko, na nagtatampok kay Gerald Madrid sa isang major role kasama sina Barbara Milano, Halina Perez, Richard Quan, Anita Linda, Simon Ibarra at Harold Pineda, sa direksyon ni Joven Tan.

Naging Miss Cebu siya at matagal nang kilala ng kanyang manager na si Bing Tongco pero nito lamang umuwi ito ng huli sa Cebu para dumalo sa Sinulog Festival saka pa lamang siya nito hinimok na mag-artista. Hindi naman siya nahirapan. Matagal nang pangarap ni Nina na maging artista. Maging ang pag-aaral nito ay isinakripisyo niya para pumunta ng Maynila at subukan ang kanyang swerte sa pelikula. Nasa unang taon siya ng pagaaral sa kursong nursing.

Sa Seiko unang sumubok si Nina na ang gamit pang apelyido ay ang apelyido ng kanyang ina na Fonseca. Hindi sila nagkasundo sa kontrata na ibinibigay ng outfit sa kanya, kaya lumipat siya ng Starlight Films na kung saan ay may pinirmahan siyang tatlong taong kontrata pero pinayagan siyang gumawa ng pelikula sa labas.

Kung papasa sa Censors, mayroon siyang hubad na kuha sa Biglang Liko. Unaware siya rito. Nakita lamang niya ito sa rushes ng movie. "Ang alam ko hanggang breast lang ang exposure ko. Pero, okay lang. Kung kailangan sa istorya, pwede pa kahit mas higit pa run," sabi niya.

Isa lamang setback ni Nina ay ang pangyayaring hindi pa siya pwedeng mag-dub ng kanyang mga lines sa pelikula. "Matigas pa raw ang dila ko, may puntong Cebuano pa. Pero, consistent naman ako sa pagbabasa ng Tagalog para lumambot ang dila ko."
* * *
Nagiging in-demand din si Judy Ann Santos bilang product endorser. Mayroon na rin siyang ini-endorsong lady’s bags na may tatak na Valentino. Nung una itong ilabas sa market nung 1992, tanging ang SM North Edsa lamang ang nagbibenta nito. Ngayon mayroon na itong 24 outlets nationwide. Mas dadami pa ito ngayong isang young superstar ang image model nila.

Nung isang araw, pumirmang muli si Juday ng kontrata para naman mag-endorse ng Poysian Mark ll, isang 2 in 1 inhaler/applicator na mula sa Thailand. Hindi ito habit forming dahil gawa ito mula sa mga herbs at nagtataglay ng oil, eucalyptus, peppermint at lavender na nakakapagpaginhawa ng paghinga. Ang ibabang bahagi nito ay mayroong oil na pwedeng pang-alis ng kati na dulot ng kagat ng insekto.

Ang Poysian Inhaler Mark ll ay gawa ng Gold Mints Products Co. Ltd, Bangkok, Thailand.

Show comments