Si Andrea na ba, Diether?

Matagal-tagal na rin kaming walang balita sa mag-asawang Donna Villa at Direk Carlo J. Caparas ng Golden Lion Films matapos hindi matuloy ang pagsasapelikula ng buhay ng yumaong Former Speaker Ramon Mitra.

Kilala ang mag-asawang Donna at Carlo sa pagsasapelikula ng mga controversial true-to-life stories.

Isang araw last week, aksidente naming nakita ang mag-asawang Donna at Carlo sa Annabel’s Restaurant kung saan ay meron din kaming ibang ka-meeting. Palibhasa’y matagal kaming hindi nagkita, kinaray muna kami ni Donna sa isang table para makipagtsikahan habang pareho naming hiihintay ang aming mga kausap.

Ang mag-asawang Donna at Carlo ay naroon para sa isang press conference na kanilang isinasaayos para sa kaibigan nilang si DOJ Undersecretary Jose Calida na isa sa mga strong candidate na papalit sa puwesto ni Ombudsman Aniano Desierto. Ang buong akala namin ay meron na namang matinding project na inaanunsyo ang mag-asawa.

Sinabi ng lady producer na nahihirapan silang maghanap ng kanilang next project although nariyan ang interes nilang muling gumawa ng pelikula.

"Maganda sanang isapelikula ang buhay ni Nida Blanca," buong kaswal nitong tinuran. Pero hindi sinabi ni Donna na balak nilang isapelikula ang buhay ni Nida Blanca na siyang ikinagalit ng kaisa-isang anak ng veteran actress na si Kaye Torres.

Ganun na lamang ang pagkabigla ng mag-asawang Donna at Carlo nang makita nila si Kaye sa mga panayam sa telebisyon na galit na galit na kesyo walang respeto sa kanila lalung-lalo na sa yumao niyang ina. Pero sa halip na patulan ang mga patutsada ni Kaye ay nagsawalang-kibo na lamang ang mag-asawa dahil wala naman talaga silang dapat ipaliwanag.

Mataas ang respeto nina Donna at Carlo sa yumaong aktres at hindi sila basta-basta gagawa ng isang bagay na ikasisira nila. Gayunpaman, para na rin sa ikatatahimik ng kalooban ni Kaye, sinabi mismo ni Donna na wala siyang balak na isapelikula ang buhay ni Nida na nakagawa na rin noon ng pelikula sa Golden Lion Films. Pero, patuloy na maghahanap sina Donna at Carlo ng kanilang magiging comeback project.
* * *
"Kumusta na si Andeng?" biro namin sa Hunk actor-singer na si Diether Ocampo nang huli namin itong makita. Of course, we’re referring to Bong Revilla’s younger sister Andrea Bautista na siyang napapabalitang special friend ngayon ng aktor.

"Bagay kayo," balik-biro namin sa kanya na sinagot lang kami ng ngiti. Diether and Andrea were batchmates before sa La Salle-Cavite pero wala pang gaanong attraction sa kanilang pagitan.

Aware din si Diet na marami ang nagsasabing may hawig sila ni Andeng kaya malamang na silang dalawa ang magkatuluyan.

Magandang wife-material si Andeng. Bukod sa maganda, napakabait pa nito," susog pa namin kay Diet na sinang-ayunan naman nina Manay Ethel Ramos at Ronald Constantino. Pero sa halip na mag-comment, panay ngiti lamang ang natanggap naming sukli kay Diet who turned 26 last July 19.

Sa kabila ng pagiging abala ni Diet sa kanyang acting at singing career, hindi pa rin nito napapabayaan ang kanyang pagwo-workout na apat na beses sa loob ng isang linggo.

Dahil sa pagiging health buff ni Diet, nagtayo ito ng sarili niyang health club sa tulong ng pito niyang non-showbiz friends, ang One Spa and Fitness Center na matatagpuan sa may kanto ng Banaue at Retiro. Meron din siyang itinayong band, ang Blow Band na ang kanyang mga kasamahan ay pawang wala sa showbiz. Sa vocals at percussion siya nakatoka.

In his five years in showbiz, nabilhan na rin niya ng sariling bahay ang kanyang ina at mga kapatid at meron na rin siyang sariling tirahan dahil nakabukod na siya sa kanyang pamilya. Pinagkakaabalahan din ni Diet ang kanyang dalawang regular show sa ABS-CBN, ang sarili niyang soap opera na Recuerdo de Amor at ang musical show na ASAP. May bago din siyang movie na nakatakdang ipalabas sa isang buwan, ang Jologs na dinerek ni Gilbert Perez. Nakatakda rin niyang simulan sa Regal Films ang Bahid na pagsasamahan nila ni Assunta de Rossi mula sa pamamahala ni Joel Lamangan.

"I cannot ask for more," simpleng pahayag nito.
* * *
Personal: Ang aming taos-pusong pakikiramay sa pagyao ng butihing ama ni Direk Joel Lamangan na si G. Marcelo Lamangan nung Hulyo 20 at kay Direk Mel Chionglo sa pagyao naman ng kanyang inang si Gng. Dominga Tan Chionglo nung Hulyo 21. Our belated condolences.
* * *
Email:a_amoyo@pimsi.net

Show comments