Ang iniisip kasi ng marami ay kikita nang husto ang pelikula ni Alma dahil sa pakikisimpatya ng publiko sa kanyang kalagayan ngayon bilang babaeng hiwalay sa asawa.
Pero naging malagihay ang resulta ng pelikula ni Alma hindi nagbayad sa takilya ang mga kababayan nating nakikisimpatya sa kanyang kalagayan ngayon, kaya walang milag-rong naganap.
Maraming dahilan na maaaring pagpilian kung bakit hindi kumita ang pelikula ni Alma Moreno.
Una, kababagyo pa lang at natural, kalaban ng mga ipinalalabas na pelikula ang kalamidad at kundisyon ng panahon.
Pangalawa, mahirap ang buhay ngayon, bago ipampanood ng sine ay bibili na lang muna ng bigas ng ating mga kababayan, lalo nat mataas na rin ang bayad sa sinehan.
Pangatlo, hindi gaanong ginastusan ang promosyon ng pelikula, kaya hindi masyadong nakarating sa publiko ang mensaheng may bago palang pelikula si Alma Moreno.
Pang-apat, hindi naniniwala ang publiko na nakakaawa nga si Alma Moreno kahit meron pang Kris Aquino si Mayor Marquez, dahil mas naniniwala ang ating mga kababayan na totoong nakipag-relasyon siya kay Julian Say habang nagsasama pa silang mag-asawa.
Bumubuhay kasi ng career ng artista ang simpatya, may mga kababayan nga tayong sumusuporta sa artista ng simpatya lang ang dahilan, wala lang, basta naaawa lang sila sa artista.
Kung kumita nang malaki ang pelikula ni Alma, ang ibig sabihin lang nun ay mas naniniwala sa kanya ang publiko, pero kung hindi, ang ibig sabihiy sumasang-ayon sa aktor-politiko ang publiko tungkol sa pakikipaghiwalay nito kay Alma.
Ibig sabihiy hindi nakakuha ng simpatya ng sambayanan si Alma, kaya malagihay ang resulta ng kanyang pelikula, kahit pa araw-araw halos na siyang nakikitang umiiyak sa kanyang mga panayam sa telebisyon.
Nang gabing yun ay nagpunta rin si Alma sa tinitirhan ni Mayor Joey, pero hindi ito pinapasok, dahil nandun nga si Kris.
Ayon kay Alma ay magkarelasyon na sina Mayor Joey at Kris nang isampa ng ama ng kanyang mga anak ang petition for annulment, dahil pumapasok na sa ikaanim na buwan ngayon ang relasyong Kris-Mayor Joey.
Tinututulan yun ni Kris, tatlong buwan pa lang daw silang magkarelasyon ni Mayor Joey, kaya hindi dapat ipilit ni Alma na anim na buwan na silang nagmamahalan ng aktor-politiko.
Kung si Mayor Joey naman ang tatanungin ay isa lang ang maliwanag, ang sinasabing magkarelasyon ng anim na buwan o higit pa ang nakararaan ay hindi sila ni Kris, kundi si Alma at si Julian Say ng Cebu.
Hindi si Kris ang homewrecker, sabi ni Mayor Joey, kundi si Julian Say na nasa eksena na habang nagsasama pa sila bilang mag-asawa ni Alma.